SUPORTADO sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso ang panukalang palawigin pa ng labing limang araw ang ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Ayon kay Senador Win Gatchalian, kailangan ang pagpapalawig ng ECQ ng dalawang linggo upang malaman kung epektibo at maaasahan ang resulta ng isasagawang mass testing sa Abril 14.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na matatapos na ang ECQ sa Abril 12, bago pa magsimula ang naturang mass testing.
Ibinabala ni Gatchalian na maaari kasing kuwestiyunin kung sapat o wasto ba ang resulta mula sa makakalap na datos lalo na’t kapag wala nang ECQ ay mawawala na rin ang social distancing, na posibleng magpalala pa ng sitwasyon.
Ayon sa senador, ang dagdag na panahon ng ECQ ay kailangan din upang masuri nang mabuti ang makakalap na mga resulta.
Kaugnay nito, isinusulong din sa Kamara hindi lamang ng administration bloc kundi maging sa oposisyon na palawigin ng 15 araw ang lockdown.
Ito ay dahil tiyak na mas marami ang magpopositibo sa coronavirus disease dahil sa isasagawang mass testing.
“The projected start of mass testing after the lockdown expiration will be counter-productive,” ani Albay Rep. Edcel Lagman kung hindi palalawigin ang lockdown hanggang Abril 30.
Inaasahan ng mambabatas na lalong dadami ang PUI at PUM kapag naisagawa na ang mass testing lalo na’t marami umano sa mga nagkaroon ng COVID-19 ay asymptomatic o walang sintomas na nararamdaman.
“A two-week extension of the enhanced community quarantine (ECQ) will make the country “even better prepared” to win its fight against the epidemic,” ayon naman kay Albay Rep. Joey Salceda.
Maging si Caloocan City Rep. Edgar Erice ay nagsabi na kailangang palawigin pa ang ang lockdown upang maiwasang gumala ang mga taong na-expose sa mga pasyente. ESTONG REYES, BERNARD TAGUINOD
202 