EJK MAGIGING HEINOUS CRIME NA

MAGIGING heinous crime o karumal-dumal na krimen, ang extra-judicial killings (EJK) na nauso noong panahon ng war on drugs ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang nilalaman ng House Bill (HB) 10986 o “Anti-Extrajudicial Killing Act” na inakda ng 13 kongresista kasunod imbestigasyon ng Quad Committee sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), Illegal Drugs at EJK.

Sa record ng Philippine National Police (PNP), 6,229 ang napatay na drug personalities ang napatay sa kanilang anti-war operations noong panahon ng war on drugs subalit inakusahan ang mga otoridad na biktima ang mga ito ng EJK at ipinalalabas lamang na sila ay nanlaban.

Subalit kung ang human rights organizations ang tatanungin, 12,000 hanggang 30,000 ang napatay sa war on drugs kung saan basta na lamang pinatay ang mga biktima na walang kalaban-laban kung saan marami umano sa mga ito ay mga bata.

Dahil dito, ituturing na itong karumal-dumal na krimen lalo na kapag ang mga alagad ng batas, hindi lamang ang mga pulis kundi militar, ang sangkot sa pagpatay sa mga pinagsususpetsahan pa lamang na sangkot sa droga o iba pang krimen.

Dahil walang parusang kamatayan sa Pilipinas, habambuhay na pagkakabilanggo ang magiging parusa ng mga alagad na batas na sangkot sa EJK at maging ang mga opisyales na nag-utos sa mga ito bukod sa multang hanggang P500,000.

Magtatatag din ng EJK claim board na kinabibilangan ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at iba pa na siyang magbabayad sa pamilya ng mga biktima ng EJK. (BERNARD TAGUINOD)

61

Related posts

Leave a Comment