MAGLULUNSAD ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng national crackdown laban sa pagbebenta at paggamit ng pekeng person with disability (PWD) identification cards (IDs) dahil malinaw ang pagkalugi sa kita ng gobyerno mula sa tax evasion scheme na umaabot na sa halagang P88 billion.
Sa isang kalatas, sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na ipinag-utos na niya sa lahat ng opisyal na makipagtulungan sa ibang ahensiya ng pamahalaan para mapigilan ang paggamit ng pekeng PWD IDs.
Tinukoy ang data mula sa kamakailan lamang na pagsisiyasat sa Senado, sinabi ni Lumagui na ang ‘revenue losses’ mula sa paggamit ng pekeng IDs ay umabot na sa P88.2 billion sa taong 2023 lamang.
Sa ilalim ng batas, kabilang sa mga benepisyo ng PWDs ay 20% discount at exemption mula sa value-added tax (VAT) sa ilang kalakal at serbisyo.
Gayunman, sinabi ng BIR na ang mga taong walang konsensiya ang nage-exploit ng nasabing sistema sa pamamagitan ng pagbebenta ng pekeng PWD IDs sa mga mandaraya at desperadong nais mapabilang sa benepisyo.
“These fake IDs are not only sold on the streets but also through online marketplaces, making them easily accessible,” ayon sa BIR.
“People who sell and use fake PWD IDs are not only committing tax evasion, they are also disrespecting legitimate and compliant PWDs. The discount given by law to PWDs is for the improvement of their well-being and easing of their financial burden,” ang sinabi ni Lumagui.
Samantala, ipagpapatuloy naman ng BIR ang pagsasagawa ng tax audits sa mga transaksyon na may kaugnayan sa PWDs na ini-report ng mga establisimyento. (CHRISTIAN DALE)
52