EMPLEYADO NG ELECTRIC COMPANY SUGATAN SA AMBUSH

CAVITE – Tinutugis ng mga awtoridad ang isang lalaking sakay ng isang pulang lumang kotse na bumaril sa pinaniniwalaang isang empleyado ng electric company, habang sakay ng kanilang company vehicle sa Dasmariñas City noong Miyerkoles ng umaga.

Nilalapatan ng lunas sa Emilio Aguinaldo College Medical Center ang biktimang si alyas “Mayo” dahil sa tama ng bala sa ulo.

Habang pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na sakay ng pulang lumang model ng kotse, at armado ng ‘di nabatid na kalibre ng baril.

Ayon sa ulat, binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Jose Abad St., Brgy. Salitran 3, Dasmariñas City sakay ng isang Isuzu pick-up na company vehicle, na may plakang NIG 1222.

Ngunit pagsapit sa naturang lugar ay bahagyang tumigil ito dahil sa trapik bandang alas-7:45 ng umaga.

Ang suspek na sakay ng isang lumang model na sasakyan ay tumigil din sa kaliwang bahagi ng sasakyan ng biktima at walang sabi-sabing binaril ito.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek sa direksiyon ng Salawag habang ang biktima ay isinugod sa ospital.

Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek at inaalam kung ano ang motibo sa pamamaril.

(SIGFRED ADSUARA)

44

Related posts

Leave a Comment