ENGINEER NABIKTIMA NG BASAG-KOTSE SA CAVITE

CAVITE – Matapos mabiktima ang dalawang beterinaryo, isa namang engineer ang nilimasan ng tinatayang P60,000 halaga ng cash, relo, golf shoes at sapatos ng hinihinalang miyembro ng basag-kotse gang sa bayan ng Silang noong Huwebes ng gabi.

Personal na dumulog sa tanggapan ng Silang Municipal Police Station ang biktimang si Louie Mamuyac, 50, isang engineer, ng Parañaque City.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-8:30 ng gabi nang iparada ng biktima ang kanyang sasakyang Toyota Fortuner na may plakang NDZ 5241, sa parking area ng isang bulaluhan sa Brgy. Biga 2, Silang, Cavite at kumain kasama ang ilang kaibigan.

Makalipas ang ilang minuto, pagbalik nila sa parking area, bumungad sa biktima ang basag na bahagi ng bintana ng kanyang kotse at nawawala ang kanyang golf bag na naglalaman ng golf wristwatch na nagkakahalaga ng P40,000, isang pares ng golf shoes na P18,000 ang halaga, P2,000 cash, at iba’t ibang identification cards.

Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa closed circuit television (CCTV) para sa pagkakakilanlan at pag-aresto sa suspek.

Matatandaan, noong Miyerkoles ng gabi, dalawang beterinaryo ang nabiktima rin ng basag-kotse matapos nilang iparada ang kanilang sasakyan sa parking area ng isang restaurant sa Brgy. San Vicente 2, Silang, Cavite at natangayan ng P70,000 halaga ng cash at laptop. (SIGFRED ADSUARA)

45

Related posts

Leave a Comment