LUMUTANG ang tambak na mga basura sa Baseco Beach sa Maynila kasabay ng pagtaas ng tubig-dagat at malakas na alon dulot ng patuloy na malakas na pag-ulan na nagsimula pa nitong mga nakaraang araw.
Ilang tonelada ng mga basura ang tinangay at naipon sa baybayin ng dagat bunsod ng pagtaas ng alon na tinatayang tatlong talampakan ang taas, habang mataas ang lebel ng tubig dahil sa high tide.
Dahil dito, agad nagsagawa ng puspusang clearing operations ang Department of Environment and Public Services (DEPS) ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Sa kabila ng walang tigil na pag-ulan nitong mga nakaraang araw, tiniyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng garbage collection.
Ayon kay DEPS Director Kenneth Amurao, nananatiling normal ang takbo ng solid waste management operations, kabilang ang Manila Transfer Station at ang pagdadala ng mga basura sa San Mateo Sanitary Landfill.
Patuloy rin ang paglilinis sa mga kalsada upang agad maibalik ang maayos na daloy ng trapiko at matiyak ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng masamang panahon.
(JULIET PACOT)
39 