FAKE NEWS VS PBBM, CONG. SANDRO PINAIIMBESTIGAHAN SA NBI AT PNP-ACG

DUMULOG na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) upang matukoy at mapanagot ang mga nagpakalat sa social media ng pekeng balitang nag-uugnay kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos sa pagpopondo sa ilegal na droga na nasabat sa Laos.

Ayon kay PDEA Spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut, walang katotohanan ang kumakalat na impormasyon at hindi kailanman iniugnay ng ahensya ang mag-amang Marcos sa nasabing drug shipment. Dahil dito, humingi na ang PDEA ng tulong sa NBI at PNP-ACG para sa forensic investigation at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga nagpapakalat ng pekeng balita.

Nilinaw din na hindi iniugnay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Pangulong Marcos o si Rep. Sandro Marcos sa nasabing operasyon.

Samantala, naglabas ng paglilinaw ang DZXL News 558 kHz matapos madawit ang istasyon sa mga kumakalat na pekeng larawan. Ayon sa istasyon, minanipula ang mga larawan upang magpakalat ng maling impormasyon, kaya nagbabala ito sa publiko laban sa paniniwala at pagpapakalat ng mga ito.

Batay sa mga opisyal na pahayag ng PDEA at DILG, si Sultan Edrieza H.N. Rimbang, na kilala rin bilang Edriezam Makarimbang at dating miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament, ang pangunahing financier na iniimbestigahan kaugnay ng pag-charter ng private jet na ginamit sa operasyon.

Kinumpirma ni Atty. Calulut na isang politiko mula sa Mindanao na kabilang sa partidong kritiko ng kasalukuyang administrasyon ang natukoy na nagpondo sa operasyon, at hindi ang mag-amang Marcos.

Nag-ugat ang imbestigasyon sa pagkakasabat ng 521 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.54 bilyon sa Luang Prabang International Airport sa Laos noong Oktubre 1, 2026. Itinago umano ang kontrabando sa mga kargamentong nakalabel bilang “vape products.”

(JESSE RUIZ)

82

Related posts

Leave a Comment