Kapag may promo fare SENIOR CITIZEN, PWD AT STUDENT DISCOUNT PINALILINAW NG LCSP

MULING iginiit ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP), sa pangunguna ng pangulo nitong si Atty. Ariel Inton, ang pangangailangang linawin kung dapat pa ring ipatupad ang mga mandatoryong diskwento para sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs) at mga estudyante kapag may promo fare sa pampublikong transportasyon.

Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dapat ibigay ang itinakdang 20 porsyentong diskwento sa senior citizens at PWDs, gayundin ang diskwento para sa mga estudyante.

Gayunman, nagtanong si Inton kung dapat pa ring ibawas ang mga diskwento kapag nag-aalok ang mga operator ng pampublikong transportasyon ng promo fare, gaya sa Undas, Pasko o mga public holiday.

Iniuugnay niya ang usapin sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Orville Ong v. Paul Alcazaren, et al. na nagsasaad na hindi maaaring pagsamahin o i-stock ang mandatoryong 20 porsyentong diskwento ng senior citizens at ang umiiral nang promotional o group-negotiated rate.

Sa ganitong sitwasyon, kailangang pumili ang senior citizen kung alin sa dalawang benepisyo ang gagamitin—ang diskwento o ang promo rate.

Bagama’t iginagalang ng LCSP ang desisyon ng Korte Suprema, iginiit ni Inton na kailangang linawin kung limitado lamang ito sa umiiral na promo fare o group-negotiated rate at hindi saklaw ang mga promosyon na bukas sa lahat ng pasahero.

Nagbabala rin siya na maaaring samantalahin ng ilang negosyo ang desisyon sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga promo package na hindi nagbibigay ng karagdagang diskwento. Dahil dito, inusisa rin niya kung kailangan bang aprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga naturang promo bago ipatupad.

Para naman sa pampublikong transportasyon, sinabi ni Inton na nasa ilalim ng regulasyon ng LTFRB ang mga pamasahe, kaya may katapat na parusa ang paniningil nang mas mataas o mas mababa sa itinakdang halaga.

Dahil dito, iginiit niyang dapat aprubahan ng LTFRB ang mga promo fare sa land public transport at linawin kung paano ipatutupad ang mga mandatoryong diskuwento kapag may promosyon.

Inaasahan ng LCSP na magbibigay ng mas malinaw na gabay ang Korte Suprema sa usapin upang maiwasan ang kalituhan at posibleng pagsasamantala sa mga pasahero.

112

Related posts

Leave a Comment