NANAWAGAN si Senator Jinggoy Estrada ng pagpipigil at pagpapatuloy ng diplomasya sa gitna ng mga panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan.
Sinabi ni Estrada na nauunawaan niya ang pagkadismaya ng publiko sa kamakailang pahayag ng Chinese envoy na madaling mananalo ang Beijing kung gugustuhin nitong gumamit ng puwersa.
Gayunman, binigyang-diin ng senador na hindi makabubuti ang padalus-dalos na pagkilos bilang tugon sa mga pahayag ng diplomat.
Ayon kay Estrada, dapat mahigpit na iprotesta ng Pilipinas ang ganitong mga pahayag at igiit ang paggalang sa bansa, nang hindi sinasara ang pinto sa diyalogo.
Binigyang-diin din niya na dapat manatiling nakabatay sa batas, katotohanan at karapatan ng Pilipinas ang paninindigan nito sa West Philippine Sea.
Iginiit ni Estrada na ang 2016 arbitral award ay hindi lamang opinyon kundi mahalagang batayan ng paninindigan ng Pilipinas na dapat igalang.
Idinagdag ng senador na kung tunay na hangad ng Beijing ang kapayapaan, dapat nitong igalang ang nasabing arbitral award.
Sa huli, nanawagan si Estrada sa lahat ng panig na magpakita ng pagpipigil at piliin ang diplomasya, paggalang sa isa’t isa at pagsunod sa rule of law sa pagharap sa usapin sa West Philippine Sea.
(DANG SAMSON-GARCIA)
73 