TESTIGO VS. MARCOLETA, UBOS NA; HULING DALAWA, HINDI NA PINATAWAG SA WITNESS STAND

WALA nang natitirang testigong ihaharap ang prosekusyon sa paglilitis sa kasong kinakaharap ni Senador Rodante Marcoleta at ng kanyang mga kapwa akusado sa Sandiganbayan matapos magkasundo ang magkabilang panig na hindi na kailangang humarap sa witness stand ang huling dalawang testigo.

Nagkasundo ang prosekusyon at depensa sa ilang stipulations o pagkilala sa mga katotohanan at dokumento, kabilang ang mga deed of donation na sentro ng kaso.

Kabilang sa mga testigong hindi na kailangang humarap si Atty. Cecil F. Federizo, ang notary public na nagnotaryo sa mga nasabing dokumento.

Kinuwestiyon ni Atty. David Michael O. Gabriel, abogado ni Senador Marcoleta, ang pagpapatawag kay Federizo. Iginiit niya na hindi ito maaaring basta piliting tumestigo dahil sa attorney-client privilege na nakasaad sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA).

Ayon kay Gabriel, kinilala na ng magkabilang panig ang pagiging tunay ng mga deed of donation at ang mga lagda sa mga ito.

Binigyang-diin naman ni Justice Ronald B. Moreno na walang nakasaad sa pormal na sakdal na may depekto o walang bisa ang mga deed of donation. Aniya, hindi maaaring kuwestiyunin ng prosekusyon sa gitna ng paglilitis ang bisa ng mga dokumento kung hindi naman ito bahagi ng orihinal na sakdal.

Itinuring naman ni Justice Fritz Bryn Anthony M. Delos Santos na isang “fishing expedition” ang pagpapatawag sa testigo kung hindi pa malinaw kung ano ang mga itatanong dito.
Inaasahang magpapatuloy ang paglilitis sa Huwebes, Oktubre 22.

104

Related posts

Leave a Comment