TINAPOS na ng Pasig Police ang imbestigasyon sa pagkawala at pagkamatay ng 15-anyos na si Isabelle Sophia Tablate, na huling nakita sa Brgy. Santolan, Pasig City noong Marso 23, 2026.
Ayon kay PMaj. Loreto Tigno, Assistant Chief of Operations, walang nakitang foul play sa insidente at lumalabas na nagpakamatay ang dalagita.
Sa imbestigasyon, nakita sa CCTV ang biktima na naglalakad mag-isa at pumasok sa madilim na bahagi ng Evangelista Avenue, na walang kasunod na ibang tao.
Makalipas ang limang araw, natagpuan ang bangkay ng dalagita na nakabitin sa isang punongkahoy sa bakanteng lote malapit sa lugar kung saan siya huling nakita.
Kinilala ang biktima ng kanyang amang si Victorino Tablate sa pamamagitan ng kasuotan at mga gamit na natagpuan sa lugar.
Sa autopsy, walang nakitang senyales ng karahasan. Natukoy na ang sanhi ng kamatayan ay pagbigti gamit ang lubid.
Batay sa imbestigasyon, bumili umano ang dalagita ng lubid sa isang mall sa Marikina bago ang insidente. Narekober sa lugar ang ilang personal na gamit kabilang ang cellphone, resibo, ekstrang damit, at jacket na may mga pirma ng kanyang mga kaklase.
Nabatid din na nag-iwan ang dalagita ng mga sulat na may pahiwatig ng pamamaalam sa kanyang mga kaibigan.
Nanawagan ang ama ng biktima sa mga magulang na maglaan ng mas maraming oras sa kanilang mga anak upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
(NEP CASTILLO)
71 