ITATAMPOK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27 ang malaking pagtaas ng bahagi ng local government units (LGUs) mula sa national tax collections.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, tataas ng P129.32 bilyon ang National Tax Allotment (NTA) ng mga LGU sa susunod na taon mula P1.19 trilyon hanggang P1.32 trilyon.
“As a former local executive official himself, the President sees and honors these as people’s entitlements. These are guaranteed plowbacks that will go from big cities to the remotest barangays,” ani Recto.
Ang NTA para sa 2027 ay nakabatay sa koleksyon ng pamahalaan noong 2024, alinsunod sa umiiral na batas.
Sa ilalim ng allocation formula, makatatanggap ang 83 lalawigan ng P303.56 bilyon, 149 lungsod ng P303.56 bilyon, 1,491 bayan ng P448.84 bilyon, at 41,912 barangay ng P263.97 bilyon.
Binigyang-diin ni Recto na ang sistema ng pamamahagi ay “non-partisan” at nakabatay sa pormulang hindi maaaring baguhin ng sinumang opisyal.
Ayon pa kay Recto, nakabatay ang bahagi ng bawat LGU sa populasyon at lawak ng lupain nito.
Sinabi rin niya na itinaas ng administrasyong Marcos ang Local Government Support Fund (LGSF) sa record-high na P57.87 bilyon para sa 2026 upang higit na mapalakas ang pakikipagtuwang ng mga LGU sa pagpapatupad ng mga proyekto ng pamahalaan.
(CHRISTIAN DALE)
47 