(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
KINASTIGO ng mga retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) si House Speaker Martin Romualdez dahil sa pagpapasasa umano sa kaban ng bayan at tila walang pakialam mauwi man sa pagkabangkarote ang pamahalaan.
Kumalat sa social media ang Facebook post noong Setyembre 12, ng umano’y mga retiradong opisyal, mga kasapi ng UP Vanguard, at iba pang taxpayers na nananawagan para agad magbitiw si Romualdez.
Sa kanilang bukas na liham, iginiit ng mga lumagda na hindi karapat-dapat manatili sa puwesto si Romualdez dahil umano sa apat na pangunahing dahilan.
Una, tinukoy nila ang lumolobong utang ng pamahalaan na umabot na sa ₱15.589 trilyon noong Agosto 2024. Anila, hindi alintana ng Speaker kung mauuwi sa pagkabangkarote ang bansa dahil nagrekomenda ito ng P6.352 trilyong pambansang badyet para sa 2025, higit na mataas kaysa sa inaasahang P4.64 trilyong kita ng gobyerno, na magdudulot ng ₱1.712 trilyong depisit.
Ikalawa, sinasabing ginastos umano ni Romualdez ang ₱26.7 bilyon mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa umano’y pekeng People’s Initiative na layong baguhin ang Konstitusyon.
Ikatlo, iginiit ng mga lumagda na nabigo ang Speaker na ipagtanggol ang buwis ng taumbayan laban sa malawakang korupsyon na anila’y umaabot sa 20% ng taunang badyet. Tinukoy rin nila ang kawalan ng pagsisikap ni Romualdez na mabura ang bansag sa Kongreso bilang “pinakamalaking sindikatong kriminal” sa Pilipinas tulad ng ulat ng BizNews Asia.
Ikaapat, binanggit ng grupo ang mga ulat hinggil sa umano’y multi milyong dolyar na donasyon ni Romualdez sa Harvard University at ang sinasabing pagbili nito ng iba’t ibang ari-arian sa loob at labas ng bansa, kabilang ang 20% ownership sa EEI na nagkakahalaga ng ₱1.25 bilyon.
Ayon sa liham, ipinapakita ng pamumuno ni Romualdez sa Kamara na ginagastos nito ang pera ng taumbayan na para bang pribado nitong yaman.
Dahil dito, nananawagan ang mga lumagda sa liham na agarang bumaba sa puwesto si Romualdez bilang kongresista at House Speaker.
220
