GRAVE THREAT CHARGES, PINAHAHARANG NI VP SARA SA KORTE SUPREMA

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema si Vice President Sara Duterte upang kuwestiyunin at ipahinto ang tatlong bilang ng kasong grave threat na isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban sa kanya.

Sa Petition for Certiorari and Prohibition na may kalakip na aplikasyon para sa Temporary Restraining Order (TRO), kinuwestiyon ni Duterte ang resolusyon ng DOJ na nagrekomendang sampahan siya ng mga naturang kaso.

Target din ng kanyang kampo na mapawalang-bisa ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court na nagbasura sa kanyang motion to quash, gayundin ang warrant of arrest na inilabas laban sa kanya.

Kasabay nito, nais niyang mapatigil ang prosekusyon at anumang karagdagang hakbang ng Quezon City court kaugnay ng mga reklamo.

Inilatag din sa petisyon ang usapin sa lawak at limitasyon ng procedural immunity ng isang nakaupong impeachable officer, na nais mabigyang-linaw sa pamamagitan ng desisyon ng Kataas-taasang Hukuman.

Naghain naman agad ang kanyang kampo ng mosyon para sa mabilisang pagresolba sa aplikasyon para sa TRO upang hindi ito maging moot and academic bago ang nakatakdang arraignment at pre-trial sa Setyembre 11.

(JULIET PACOT)

50

Related posts

Leave a Comment