HINAMON ni Atty. Ariel Inton si dating House Speaker Martin Romualdez na pangalanan ang mga taong umano’y sangkot sa kontrobersiya sa flood control projects ngayong nahaharap na siya sa kasong plunder sa Sandiganbayan.
Ipinagtataka rin ni Inton kung bakit tila hindi tuwirang masabi ni Romualdez na walang kinalaman sa flood control scam ang kanyang pinsan na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinabi ni Inton na bagama’t iginiit ni Romualdez ang kanyang pagiging inosente at karapatan sa due process, dapat din nitong linawin kung sinu-sino ang tinutukoy niyang ibang taong sangkot sa umano’y katiwalian.
Ayon kay Romualdez, nananatili siyang inosente at malinis ang kaniyang konsensiya habang hinaharap ang plunder charges sa Sandiganbayan. Iginiit din ng kanyang kampo na walang credible o sworn evidence na nag-uugnay sa kaniya sa anumang financial kickback o iregularidad sa budget, at pinaalala na siya ay presumed innocent until proven guilty in court.
Sinabi naman ni Inton na nauunawaan niya ang karapatan ni Romualdez bilang akusado, ngunit kinuwestiyon niya kung bakit hindi nito pinapangalanan ang mga sinasabi nitong sangkot sa “other people’s corruption.”
“Pero sino ‘yung mga tinutukoy mo na sangkot sa OTHER PEOPLE’S CORRUPTION? Ibig bang sabihin ay may alam ka sa flood control scam pero hindi ka nga lang kasali sa corruption ng other people na binabanggit mo?” tanong ni Inton.
Kinuwestiyon din ni Inton kung alam na umano ni Romualdez ang naturang katiwalian noong siya pa ang Speaker ng Kamara ngunit pinili lamang nitong manahimik.
Binanggit din ni Inton ang pahayag umano ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na hindi umano “moro-moro” ang pagsasampa ng kaso laban kay Romualdez.
Gayunman, iginiit ni Inton na mas mahalagang linawin ni Romualdez kung sangkot o hindi ang Pangulong Marcos at ang kanyang pamilya sa flood control scam.
“Bakit kahit kinasuhan ka na ay mga tao lang katulad ni Sen. Ping Lacson ang naniniwala na hindi moro-moro ang pagkaso sa’yo? At higit sa lahat, bakit HINDI MO MASABI NA HINDI SANGKOT SI BBM O KANYANG PAMILYA SA FLOOD CONTROL SCAM?” ani Inton.
Idinagdag pa niya na kung naniniwala si Romualdez na walang kasalanan ang kanyang pinsan na si Pangulong Marcos, dapat umano itong maging malinaw sa pagsasabi nito.
Sa huli, kinuwestiyon ni Inton kung may pangamba si Romualdez na hindi paniwalaan ng publiko o may ibang makapangyarihang tao na umano’y maaaring makaapekto sa kanyang posisyon.
Binanggit din ni Inton ang mga pahayag umano ni dating Congressman Zaldy Co na isinangkot sina Romualdez, Pangulong Marcos at ilang opisyal ng pamahalaan sa kontrobersiya, at hinamon si Romualdez na linawin ang mga naturang alegasyon.
55 