GRUPO NG PREXY BET PINAPUTUKAN SA BUKIDNON

PINAPUTUKAN kahapon ng hindi pa kilalang armadong grupo si presidential candidate Leody de Guzman at mga kasamang kandidato sa posisyon ng senador sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon Province.

Ayon sa pahayag ng Partido Lakas ng Masa (PLM), nasa Bukidnon si de Guzman para makipagpulong sa mga katutubong Manobo-Pulangiyon kaugnay ng pangangamkam diumano ng isang lokal na pulitiko sa kanilang ancestral land.

Sa paunang ulat ng PLM, dalawa katao ang sinasabing tinamaan ng bala makaraang paulanan ng putok ng mga hindi pa nakikilalang salering pinaniniwalaang mga miyembro ng private army ng hindi pinangalanang politiko.

“Ilan sa mga kasamahan nilang IPs ay tinamaan ng bala at nagtamo ng mga sugat. Malubha ang kalagayan ng mga kasamang IPs, bagama’t wala pang naiulat na namatay sa pangyayari,” ayon sa parting kinabibilangan ni de Guzman.

Kabilang sa nasugatan sina Nanie Abela na organizer ng farmers and farmworkers sa Mindanao at isang hindi pa kilalang tribal leader ng Manobo-Pulangiyon.

Kasama ni de Guzman ang kanyang senatorial candidates na sina Roy Cabonegro at David D’Angelo na kapwa naman ligtas sa pamamaril na tumagal ng halos kalahating oras – batay sa video na agad inilabas sa social media ilang saglit matapos ang insidente.

“Ang tinamaan yung nasa tabi ko, si Nanie Abela, na organizer ng mga magsasaka sa Mindanao. Casualty rin ang isang lider ng tribong Manobo-Pulangiyon,” ayon naman sa presidential bet.
Panawagan ni de Guzman,kapayapaan sa Mindanao at respeto ng karapatan ng mga katutubo.

“Alam nating mayayaman at makapangyarihan ang ating binabangga sa labang ito. Ngunit ibang klase pa rin kapag talagang direkta tayong dinahas. Walang halaga sa kanila ang buhay nating mga maliliit,” ayon pa dito.

Samantala, kinondena sa Kamara ang nasabing karahasan laban sa grupo ni Ka Leody.

“Mariin kong kinokondena ang karahasan ng grupong paramilitar na nagpaputok sa grupo ni Presidential Candidate Leody de Guzman at kanyang mga kasamahan na sina David D’Angelo at Roy Cabonegro habang sinamahan ang mga Lumad sa kilos protesta laban sa land-grabbing ng lupang ninuno,” ani Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat.
Kinondena rin ni House assistant minority Rep. Argel Cabatbat ang insidente at umapela sa mga otoridad na imbestigahan ito. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

98

Related posts

Leave a Comment