IBINAHAGI ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na kung tumupad lamang umano si Senate President Alan Peter Cayetano sa kanilang “gentleman’s agreement,” posibleng hindi na nauwi sa kaguluhan ang sitwasyon sa Senado.
Paliwanag ng NBI chief, nagkaroon umano sila ng usapang “lalaki sa lalaki” ni Cayetano kung saan tiniyak umano ng senador na walang operasyon sa Senado habang aalis naman ang mga tauhan ng NBI sa Senate premises bilang paggalang sa protective custody na ibinigay kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Kasabay nito, iginiit ng NBI chief na ang kanilang ahensya at hindi ang Senado ang tunay na “under attack” kasunod ng naganap na gun firing incident sa Senate building noong nakaraang linggo.
Ayon kay Matibag, bago pa man maglabas ng pahayag ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na walang pisikal na pag-atake sa Senado, una na nilang nilinaw na hindi “under siege” ang Mataas na Kapulungan.
Sa ginanap na MACHRA Balitaan sa Harbour View sa Ermita, Manila, sinabi ni Matibag na samu’t saring batikos at paratang ang inabot ng NBI matapos ang insidente.
Aniya, kabilang dito ang mga alegasyong sila umano ang dahilan ng kaguluhan, mga panawagang sibakin siya sa puwesto, at mga hirit na imbestigahan ang NBI sa umano’y pag-atake sa Senado.
Ayon pa kay Matibag, napagkasunduan din umano na ihaharap si Dela Rosa sakaling maglabas ng desisyon ang Korte Suprema hinggil sa hirit nitong temporary restraining order laban sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Gayunman, hindi ito natuloy matapos makatakas si Dela Rosa kasabay ng pagpapaputok ng baril ng mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA) sa pangunguna ni Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.
Pinanindigan ni Matibag na tumupad siya sa kanilang kasunduan at tiniyak na walang tauhan ng NBI sa loob ng Senado nang mangyari ang putukan.
Binigyang-diin pa nito na batay sa mga video footage ng media, makikitang nasa loob lamang ng GSIS building ang mga ahente ng NBI at wala sa mismong Senate building.
Nilinaw rin ni Matibag na ang paghabol ng NBI kay Dela Rosa ay para lamang ipakita rito ang arrest warrant ng ICC upang masangguni niya ito sa kanyang mga abogado.
Tiniyak din ng opisyal na ang imbestigasyon ng NBI ay ibabatay sa dokumento at ebidensya at hindi sa emosyon.
(JESSE RUIZ)
66 