(NI KEVIN COLLANTES)
SINIGURO ng Department of Education (DepEd) na ginagawa nila ang lahat upang maresolba ang isyu hinggil sa problema sa faculty room sa Bacoor National High School-Molino Main, sa paraang katanggap-tanggap sa lahat, partikular na sa opisyal at mga guro.
Kasunod na rin ito ng desisyon ng may 11 guro ng naturang paaralan na gawing faculty room ang isang comfort room, ngunit malaunan ay ipinaskil ito sa social media.
Sinabi ng DepEd na nag-ugat ang sitwasyon sa desisyon ng pamunuan ng naturang paaralan na magpatupad ng ‘single-shift classes’ para sa mahigit 7,000 nilang mag-aaral ngayong School Year 2019-2020.
Dahil dito, nagkaroon ng kakulangan sa mga silid-aralan, kaya’t ang mga faculty rooms, na orihinal namang ginawa upang maging silid-aralan ng mga bata, ay kinailangan muling i-convert bilang karagdagang classrooms.
Dahil wala nang gagamiting faculty rooms ang mga guro, nabatid na pinulong sila ng prinsipal ng paaralan, noong Mayo 27, at inalok na gamitin munang pansamantalang faculty room ang kanilang library, guidance center, at advisory classrooms.
Gayunman, ang 11 umano sa may 236 guro ng paaralan ay mas piniling i-convert ang isang palikuran bilang faculty room, ngunit malaunan ay ipinaskil ito at inireklamo sa social media.
Nilinaw naman ng DepEd na ang paggamit ng restroom ay desisyon mismo ng mga naturang guro.
Sa kabila naman nito, tiniyak ng ahensiya na gumagawa na sila ng mga paraan upang maresolba ang naturang problema sa Bacoor at mga kahalintulad pa nito, sa pamamagitan ng pagpapatayo pa ng mas maraming gusali.
“Even as a memorandum to vacate the comfort room has already been issued by the principal, the Department would like to ensure that the resulting temporary arrangement will be acceptable to all concerned,” ayon naman sa DepEd.
Pinaalalahanan din naman ng DepEd ang mga guro at mga personnel nito na mayroong akmang administrative procedures sa pagtugon ng kanilang mga welfare concerns.
