TINATAYANG P66 milyon kada araw ang hindi napakikinabangan ng mga minimum wage earner sa Metro Manila dahil sa pagkaantala sa pagpapatupad ng P85 wage increase, ayon sa isang labor group.
Dumulog sa Korte Suprema si Partido Manggagawa chairperson at Nagkaisa Labor Coalition spokesperson Ka Rene Magtubo upang ihayag ang epekto ng delay sa pagpapatupad ng dagdag-sahod.
Tinatayang 1.1 milyon minimum wage earners sa National Capital Region (NCR) ang apektado ng pagkaantala.
“Malaki ang epekto sa mga manggagawa na minimum wage earners. 1.1 million ang estimated minimum wage earners sa NCR. 60 pesos per day, at least 66 million per day na nawawala sa mga manggagawa,” ani Magtubo.
Hiniling ng Nagkaisa! sa Supreme Court (SC) na agad aksyunan ang kanilang petisyon kaugnay ng P85 wage increase na ipinagkaloob sa NCR.
Nagtipon ang mga labor group sa SC nitong Miyerkules upang ihain ang kanilang Manifestation at ipaalam sa tribunal ang Writ of Preliminary Injunction na inilabas ng Pasig Regional Trial Court Branch 152 na patuloy na humaharang sa pagpapatupad ng NCR Wage Order No. 27.
Nanawagan din ang grupo sa mabilis na resolusyon sa kaso upang agad mapakinabangan ng mga manggagawa ang dagdag-sahod.
“Kaya kami nanawagan sa Supreme Court na dapat aktuhan nang mabilisan ang aming petisyon sa ganoon ay mapakinabangan ng manggagawa ang kanilang wage increase na prinoseso naman namin sa wage board at naayon sa batas,” ani Magtubo.
Bukod sa P85 wage hike sa NCR, isinusulong din ng Nagkaisa! ang P200 legislated wage increase sa buong bansa at mas malawak na reporma sa sistema ng pasahod.
(JULIET PACOT)
85 