P130K pinasosoli sa buyer REAL ESTATE DEVELOPER PINAGMULTA NG SC

supreme court

INATASAN ng Korte Suprema ang real estate developer na Empire East Land Holdings Inc. na isauli ang P130,000 na ibinayad ng isang buyer matapos mabigong maibigay ng sales agent ang ipinangakong Contract to Sell.

Bukod sa refund, inatasan din ng Supreme Court (SC) ang developer na magbayad ng P260,000 exemplary damages kay John Edrem Bautista.

Nagbayad si Bautista ng P20,000 reservation fee at karagdagang P110,000 para sa isang residential unit.

Ayon kay Bautista, nangako ang sales agent na bibigyan siya ng Contract to Sell matapos niyang bayaran ang reservation fee.

Lumipas ang mahigit isang taon ngunit hindi pa rin naibigay ang kontrata kaya itinigil ni Bautista ang pagbabayad at hiniling na ibalik ang kanyang mga naibayad.

Ipinaliwanag ng SC na hindi maituturing na “advertisement” ang personal na pangako ng sales agent sa isang buyer. Sakop ng batas ang mga advertisement at sales materials na inilalabas sa publiko, gaya ng mga patalastas sa diyaryo, radyo at telebisyon.

Gayunman, sinabi ng SC na hindi nangangahulugang wala nang pananagutan ang developer sa mga pahayag ng kanilang sales agent.

Sa kaso ni Bautista, nakita ng SC na may umiiral na kasunduan sa pagitan ng magkabilang panig at tinupad ni Bautista ang kanyang obligasyon nang magbayad.

Dahil hindi naibigay ng Empire East ang ipinangakong Contract to Sell, may karapatan si Bautista na kanselahin ang kasunduan at bawiin ang kanyang ibinayad.

Umabot nang halos 16 taon sa mga korte ang usapin hinggil sa P130,000 na hinihingi ni Bautista. Dahil dito, ipinataw din ng SC ang P260,000 exemplary damages laban sa developer.

(JULIET PACOT)

58

Related posts

Leave a Comment