ARESTADO ang isang 22-anyos na lalaki makaraang makumpiskahan ng hinihinalang smuggled cigarettes sa Sitio Batang, Barangay Talaban, Himamaylan City noong Lunes, Setyembre 28.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na may nakatakdang i-transport na milyong halaga na puslit na sigarilyo sa lugar.
Bunsod nito, nagkasa ng joint operation ang Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-Negros Island Region, Negros Occidental Police Provincial Office, Bureau of Customs, Criminal Investigation and Detection Group, Regional Highway Patrol Unit, 4th Special Operations Unit-Maritime Group, Regional Intelligence Unit, Provincial Intelligence Unit, Philippine Coast Guard, at Himamaylan City Police Station.
Sinamsam ng mga awtoridad ang 88 master cases at 176 na kahon ng assorted cigarettes na nagkakahalaga ng P10.19 milyon, nang walang maipakitang kaukulang dokumento ang suspek.
Bukod sa naarestong 22-anyos, dalawang iba pa ang nakatakas.
Samantala, pinuri naman ni PNP chief, Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang matagumpay na pagkakasabat ng mga awtoridad sa hinihinalang puslit na sigarilyo.
(TOTO NABAJA)
61 