MAG-ASAWANG VELASCO NAKALABAS NA NG PH —BI

KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) na kasalukuyang nasa labas ng Pilipinas si dating House Speaker Lord Allan Velasco, kasama ang maybahay nito.

Ayon sa opisyal na pahayag ng BI, walang umiiral na Hold Departure Order (HDO) o anomang derogatory alert laban kay Velasco na maaaring pumigil sa kanyang pag-alis ng bansa.

Gayunman, tumanggi ang BI na magbigay ng karagdagang detalye hinggil sa kanyang biyahe, dahil sa Data Privacy Act.

Ayon naman kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag, lumipad patungong Nagoya, Japan si Velasco noong Agosto 30 at nakatakda sanang bumalik sa Pilipinas noong Setyembre 14, subalit wala pang rekord na nakabalik na siya ng bansa.

Sinabi rin ni Matibag na umalis patungong Hong Kong ang misis ni Velasco kasama ang dalawang indibidwal noong Setyembre 24 at wala ring rekord na nakabalik sila matapos ang kanilang nakatakdang petsa ng pagbabalik noong Setyembre 27.

Lumabas ang mga ulat matapos humarap sa NBI ang dating security aide ni Velasco na si dating pulis Rodulfo Gracioso Jr. kaugnay ng kanyang mga alegasyon na naghatid umano siya ng mahigit P2 bilyon kay Vice President Sara Duterte, P1 bilyon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at P100 milyon kay Davao City 1st District Representative Paolo Duterte, sa utos umano ng dating House Speaker simula noong 2018.

Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang mga alegasyon ni Gracioso.

(JOCELYN DOMENDEN)

76

Related posts

Leave a Comment