SASAKYANG TINANGAY SA QC, NATUNTON NG QCPD SA CAVITE

MATAGUMPAY na nabawi ng Quezon City Police District (QCPD), sa ilalim ng pamumuno ni Police Brigadier General (PBGEN) Christopher Olazo, ang isang Toyota Hilux na iniulat na ninakaw sa isinagawang follow-up operation sa Dasmariñas, Cavite noong Setyembre 25, 2026.

Pinangunahan ang operasyon ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Hector Ortencio matapos ang insidente ng carnapping na kinasangkutan ng tatlong sasakyan na umano’y naganap noong Mayo 2024 sa loob ng Commonwealth Nissan sa Commonwealth Avenue, Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Isang indibidwal na kilala sa alyas na “Ondoy” ang umano’y sangkot sa carnapping.

Noong Agosto 15, 2026, nabawi ng mga tauhan ng QCPD ang isa sa tatlong sasakyang bahagi ng reklamo.

Sa patuloy na pagkalap ng impormasyon, beripikasyon at koordinasyon, nakatanggap ang QCPD ng ulat na namataan sa Dasmariñas, Cavite ang isa pang sasakyang sangkot sa kaso na isang Toyota Hilux.

Agad nagtungo ang mga tauhan ng DACU sa Diamond Village, Salawag, Dasmariñas, Cavite, kung saan natagpuan ang sasakyan sa pag-iingat ng isang G. Rolando.

Ayon kay Rolando, isinangla sa kanya ni alyas “Ondoy” ang Toyota Hilux sa halagang P600,000.

Matapos ipaalam sa kanya ang estado ng sasakyan, kusa itong isinuko ni Rolando sa mga awtoridad.

Nasa pangangalaga na ngayon ng DACU ang nabawing sasakyan para sa kaukulang dokumentasyon, beripikasyon at iba pang legal na hakbang.

“Ang pagbawi rito ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng QCPD na matunton at mabawi ang mga sasakyang sangkot sa mga naiulat na insidente ng carnapping. Patuloy naming susundan ang lahat ng posibleng impormasyon at paiigtingin ang aming koordinasyon upang matiyak na mapapanagot sa batas ang mga responsable,” pahayag ni PBGEN Christopher Olazo.

(PAOLO SANTOS)

57

Related posts

Leave a Comment