NANAWAGAN si dating Quezon City at Senatorial aspirant Herbert ‘Bistek’ Bautista sa Malakanyang at sa Kamara na ipasa na ang Marawi Compensation bill upang matulungang maibalik sa normal na pamumuhay ang 300,000 Maranao at iba pang katutubo sa Marawi City na napilitang lumikas sa kasagsagan ng Marawi siege.
Halos limang taon na ang nakararaan nang kubkubin ng ekstremistang grupong Islamic State ang Marawi City at naging madugo ang bakbakan sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at mga rebelde na nagresulta sa pagkawasak ng buong lungsod.
Sinabi ni Bautista na dapat madaliin ang panukalang batas upang maibigay ang dapat na tulong sa mga biktima ng Marawi siege.
Idinagdag ng dating alkalde na marami pa rin sa mga biktima ang nagtitiis na tumira sa mga barung-barong o nakikisilong sa kanilang mga kaanak.
Naniniwala rin si Bistek na magandang balita ang pagkakapasa ng Senate Bill 2420 sa 3rd and final reading at umaasa siyang magsisimula sa lalong madaling panahon ang pagtalakay nito sa bicameral conference committee upang mapirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Bautista, kapag ito ay naipasa ay magiging pamanang batas ito ng ika-18 Kongreso at ni Pangulong Duterte sa mga Maranao at iba pang katutubo sa Marawi.
Todo ang suporta ni Bautista sa panukala bunsod na rin ng nakamit na pakikiisa at suporta mula sa Muslim Community nang siya ay alkalde ng lungsod Quezon at naging tagapangulo ng Regional Peace and Order Council sa National Capital Region. (DANG SAMSON-GARCIA)
99