Hospital arrest tatablahin ng Ombudsman ROMUALDEZ MAY KWARTO NA SA PNP-GH

MAY nakahanda nang kuwarto sa Philippine National Police General Hospital (PNP-GH) para kay dating House Speaker Martin Romualdez sakaling aprubahan ng Sandiganbayan ang kanyang paglipat mula sa Cardinal Santos Medical Center.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, kasunod ng mga inisyal na hakbang ng pambansang pulisya kaugnay sa posibleng paglilipat kay Romualdez.

Ayon kay Co, nakikipag-ugnayan na rin ang mga doktor ng PNP sa mga doktor ng Cardinal Santos na patuloy na sumusuri sa kalagayan ng dating mambabatas.

Hindi pa tiyak kung maisasampa ngayong Martes ang mosyon para sa paglilipat kay Romualdez, ngunit posible itong mangyari anumang oras.

Nauna nang sinabi ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na may sapat na pasilidad at tauhan ang PNP-GH upang magbigay ng kinakailangang medical care kay Romualdez.

Tiniyak naman ng PNP na patuloy nitong susundin ang mga itinakdang proseso sa pagpapatupad ng arrest warrant, anuman ang dating posisyon ng akusado.

Samantala, hahadlangan ng Office of the Ombudsman ang mosyon ni Romualdez na manatili sa ospital habang isinasagawa ang kanyang pag-aresto.

Sa mensaheng ipinadala ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano, sinabi niyang mariing kokontrahin ng prosekusyon ang mosyon ng dating House Speaker.

Matapos maaresto at maibalik sa korte ang arrest warrant, agad na naghain si Leyte 1st District Rep. Romualdez ng Urgent Motion Ad Cautelam for Continued Hospital Confinement sa Third Division ng Sandiganbayan.

Layunin ng mosyon na mapahaba ang kanyang pananatili sa ospital dahil sa mga iniindang karamdaman, kabilang ang Type 2 diabetes, hypertension at primary hypothyroidism.

Gayunman, sinabi ng Ombudsman prosecutors na hihilingin nila sa korte na isang grupo ng mga government doctor ang magsuri sa kalagayan ni Romualdez upang matukoy kung kinakailangan pa niyang manatili sa pribadong ospital.

Kung mapatutunayang manageable na ang kanyang mga karamdaman at maaari na siyang ilabas ng ospital, hihilingin ng Ombudsman na ilipat siya sa regular na detention facility.

Kaugnay nito, nanindigan si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na matibay ang kasong plunder na inihain laban kay Romualdez, na pinsan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Giit ni Remulla, simula pa lamang ito at marami pang kasong inihahanda at maaaring isampa ng Ombudsman laban sa dating House Speaker.

Patuloy namang naka-confine si Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.

Inatasan siya ng Sandiganbayan na humarap sa korte bukas, Setyembre 10, 2026, para sa pagdinig sa kanyang mosyon.

Palasyo: Hindi nakikialam

Kaugnay nito, sinabi ng Malacañang na hindi nito pinag-uusapan ang hirit ng kampo ni Romualdez na payagan siyang manatili sa ospital habang inaaresto.

Inaresto si Romualdez noong Lunes sa Cardinal Santos Medical Center, sa kaparehong araw na inihain ng Office of the Ombudsman ang P7.4-bilyong plunder charge laban sa kanya at tatlo pang akusado kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga flood control project.

“Sa ngayon, walang pinag-uusapan tungkol sa hospital arrest. Depende na po kasi iyan kung ano po ang magiging findings ng doktor,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malacañang.

Ayon kay Castro, mas mainam na ang magiging pagsusuri sa kalagayan ni Romualdez ay manggaling sa mga doktor na walang kaugnayan sa dating Speaker.

“Kumbaga, neutral. Iyong ang kanyang findings ay neutral. So, depende na po iyan sa doktor. Hindi iyan panghihimasukan ng administrasyon at hindi po natin masasaklawan kung ano ang pakiramdam, health condition ng sinumang akusado,” ani Castro.

Nauna nang tiniyak ni Castro na gagawin ng pamahalaan ang kinakailangang hakbang upang hindi makatakas si Romualdez habang nananatili ito sa ospital.

“Sa mga kritiko, hindi mawawala ang kritisismo pero hindi natin mapipigil ang mga doktor kung ano ang nakikita nilang health condition ng isang akusado. Hindi naman din maipipilit ng PNP o ng pamunuan ng DILG na dalhin agad ang isang akusado na nasertipikahan na hindi pa nararapat na tanggalin o i-remove from the hospital,” paliwanag niya.

“So, wala po tayo ng masasabi kung ano iyan. Nandiyan po iyan sa pagtingin ng kanilang mga doktor at ang doktor naman ay dapat na nagsasabi ng katotohanan,” dagdag ni Castro.

Ayon pa sa opisyal, bibigyan nila ng “benefit of the doubt” ang mga doktor na nagsasabing hindi pa maayos ang kalagayan ng isang akusado.

“But still, nakita naman po natin kung ano ang ginawa ng pamunuan ng DILG at PNP. Nandiyan pa rin po at kung nasa ospital naman po iyan, hindi naman po siguro iyan makakatakas,” aniya.

Walang VIP treatment

Iginiit din ng Malacañang na isinagawa ang pag-aresto kay Romualdez alinsunod sa batas at walang espesyal na pagtrato.

“Siguro po nakita ninyo naman po kung paano tumugon ang pamunuan ng DILG, si Secretary Jonvic Remulla, noong nailabas na po ang warrant of arrest. Siya naman po ay agad na pinuntahan, si dating Speaker Romualdez ay pinuntahan agad sa ospital at nandoon na po, kumbaga, binantayan na po at kinailangan na lang pong i-monitor kung kailan siya maaaring dalhin sa tamang, let’s say, maaaring paglagyan sa kaniya,” ani Castro.

(TOTO NABAJA at CHRISTIAN DALE)

71

Related posts

Leave a Comment