BINATI ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga gurong Pilipino at mga school leader dahil sa magandang resulta ng Pilipinas sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA), na aniya ay patunay na patuloy na umuusad ang edukasyon sa bansa sa kabila ng mga hamon sa sektor.
Sa kanyang mensahe para sa National Teachers’ Month, sinabi ni Dy na nakapagtala ang Pilipinas ng pinakamataas na marka nito sa kasaysayan sa reading, mathematics, at science.
“Sa pinakahuling PISA assessment, naitala ng Pilipinas ang pinakamataas nating scores sa reading, mathematics, at science. The Philippines has been recognized as being the fastest-improving country in reading performance over the past decade. Congratulations po sa ating mga guro at school leaders!” pahayag ni Dy.
Bukod dito, kinilala rin aniya ang Pilipinas bilang bansang pinakamabilis umunlad sa reading performance sa buong mundo sa nakalipas na dekada, gayundin sa larangan ng mathematics.
Ayon kay Dy, dapat magsilbing inspirasyon ang naturang tagumpay upang lalo pang pagbutihin ang kalidad ng pagtuturo sa mga paaralan, habang malaking bahagi ng pag-unlad na ito ay maiuugnay sa araw-araw na sakripisyo ng mga guro.
“Hindi po madali ang maging guro. Every day, you face different challenges, large classes, limited resources, mountains of paperwork, and so many responsibilities. At minsan, kahit kayo mismo ay may pinagdadaanan, you still show up and give your best for your students,” pahayag ni Dy.
Binigyang-diin pa ni Dy na hindi lamang mga aralin sa silid-aralan ang naituturo ng mga guro kundi maging ang paghubog sa mga pangarap at kinabukasan ng mga kabataan.
“Ito po ang natatanging kapangyarihan ng isang guro. Your lessons may begin in the classroom, but their impact can last a lifetime and help build a better Philippines,” pagtatapos ni Dy.
(TINA MENDOZA)
70 