HOSPITAL NETWORK PINAKILOS SA PAGSIRIT NG KASO NG LEPTOSPIROSIS

PINAGANA ng gobyerno ang network ng mga ospital at ang coordinated referral system upang mapigilan ang pagsisikip ng mga health facility bunsod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng may leptospirosis.

Ang pahayag ng Malacañang ay kasunod ng napaulat na matinding pressure sa mga emergency room matapos ang malawakang pagbaha, kung saan dumagsa ang mga pasyente sa San Lazaro Hospital at Ospital ng Maynila.

Iniulat din ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na umabot na sa full bed capacity ang kanilang pasilidad dahil sa pagsirit ng mga kaso ng leptospirosis.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-ugnayan ang mga ospital at i-redistribute ang mga pasyente sa halip na payagan ang overcrowding sa mga indibidwal na pasilidad na maaaring magdulot ng pagkaantala sa paggagamot.

“Totoo po iyan, at iyan din po ang nais ng Pangulo kaya po tumugon agad ang DOH,” ayon kay Castro.

Ayon kay Castro, pinagana ng Department of Health (DOH) ang 33 DOH hospitals sa Metro Manila, Region 1 (Ilocos Region), Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon) at Cordillera Administrative Region (CAR) ang leptospirosis express lanes para sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang assessment at posibleng hospitalization.

Ginagamit din ng gobyerno ang surge capacity management upang matiyak ang availability ng hospital beds at mga gamot para sa mga pasyenteng kinakailangang ma-admit.

“Acting Health Secretary Edwin Mercado has also convened a command conference involving DOH hospitals to strengthen coordination on patient navigation and referrals,” ayon kay Castro.

Kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang DOH Operations Center sa San Lazaro Hospital upang mai-refer ang mga pasyente sa iba pang ospital sa Metro Manila.

Sinabi ni Castro na lahat ng DOH hospitals, health centers at PhilHealth YAKAP clinics ay handang tumanggap ng mga pasyenteng magpapakonsulta matapos ma-expose sa baha.

Inihayag din niya na maglalabas pa ng karagdagang updates hinggil sa mga ospital na gagamitin habang patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis.

(CHRISTIAN DALE)

60

Related posts

Leave a Comment