PROSEKUSYON KAILANGANG PATUNAYAN NA MAY KORUPSYON SA SECRET FUNDS — INTON

NANINIWALA ang abogado na si Ariel Inton na hindi pa ganap na nailalatag ng prosecution ang mga ebidensya upang patunayan na nagkaroon ng korupsyon sa paggamit ng confidential funds ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Inton, sa pagtatapos ng testimonya ni SDO Gina Acosta ng Office of the Vice President (OVP), napatunayan ng prosecution na nagkaroon ng mga problema sa handling, dokumentasyon at liquidation ng confidential funds ng OVP, kung saan si Vice President Sara Duterte ang pinuno ng tanggapan.

Aniya, napatunayan ang mga audit violation na maaaring magresulta sa disallowance, reimbursement o administrative liability, ngunit hindi umano nangangahulugan ito na sapat na ang mga ito upang ma-convict si Vice President Duterte.

“Ang sabi ng prosecution ay sapat na daw. Kung sapat na at kumpiyansa sila na ma-convict na si VP Sara, bakit hindi nila i-submit for resolution na ang kaso para makatipid tayo sa gastos at matapos na ang trial?” ani Inton.

Ayon sa abogado, mas dapat nang matutukan ang isyu ng flood control scam matapos ang impeachment trial.

Binigyang-diin ni Inton na hindi awtomatikong nangangahulugan ng korupsyon ang pagkakaroon ng audit violations.

“Kailangan mapatunayan na may corruption na sangkot si VP Sara at impeachable offense ito,” aniya.

Bagama’t sinabi umano ni Acosta na alam ni Vice President Duterte ang naging proseso sa paggamit ng confidential funds ng OVP, sinabi ni Inton na kailangan pa ring patunayan ng prosecution na winaldas, kinurakot, binulsa o ninakaw ni Vice President Duterte ang nasabing pondo.

Hindi rin umano sapat ang testimonya ni Acosta upang patunayan ito dahil, ayon kay Inton, wala itong personal knowledge sa mismong paggamit ng confidential funds.

Pinuri naman ni Inton si Acosta sa pagtanggi nitong sumagot sa mga tanong na wala siyang personal knowledge.

“Hindi tulad ng ibang naunang testigo na para lang mapagbigyan ang sagot na gusto ng ilang senator-judges ay sasagot kahit walang personal knowledge. Sino ngayon ang stupid na testigo?” ani Inton.

“Si Gina Acosta ay hindi istupida,” dagdag niya.

Sinabi ni Inton na ang maaaring makapagbigay ng sagot sa mga tanong hinggil sa paggamit ng confidential funds ay si Col. Raymond Lachica, na nagpahayag umano ng kahandaang tumestigo upang sabihin ang katotohanan.

Tinanong din ni Inton kung ipiprisinta ng prosecution si Lachica bilang hostile witness o kung siya naman ay ihaharap ng depensa bilang bahagi ng kanilang defense evidence.

80

Related posts

Leave a Comment