SANDIGANBAYAN JUSTICE NA KAPATID NG ABOGADO NI BERNARDO, PINAI-INHIBIT SA KASO NI REVILLA

MULING hiniling ni dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na mag-inhibit si Sandiganbayan Justice Karl B. Miranda sa pagdinig ng kanyang nakabinbing kaso dahil umano sa mga lumalabas na senyales ng pagkiling.

Partikular na binanggit sa 13-pahinang mosyon na inihain ng mga abogado ng senador noon pang Lunes, Agosto 24 ang pagiging kapatid ng mahistrado kay Atty. Buenaventura B. Miranda ng Chavez Miranda Aseoche Law Offices, na abogado ng pangunahing testigo ng prosekusyon na si Roberto Bernardo, gayundin ang mga sumunod na pangyayari sa paglilitis na umano’y lumikha ng impresyon na ang nasabing mahistrado ay may nauna nang hatol o prejudgment.

Nitong Second Motion for Inhibition na inihain sa Third Division ng anti-graft court, iginiit ng kampo ni Revilla na ang mga pangyayaring naganap matapos ihain ang una niyang motion for inhibition noong Pebrero ay lalo pang nagpalalim sa kanilang pagdududa sa pagiging walang kinikilingan ni Miranda.

Ang kapatid ni Justice Miranda na si Atty. Buenaventura Miranda ng CMA Law ay kumatawan kay Bernardo sa mga pagdinig sa Senado kaugnay ng kontrobersiya sa flood control at kalaunan ay nasangkot din sa mga usaping may kaugnayan sa papel ni Bernardo bilang state witness sa kasong malversation laban kay Revilla.

Nauna nang ibinasura ng Sandiganbayan ang unang motion for inhibition ni Revilla, dahil sinabi nitong si Atty. Miranda ay hindi partido o counsel of record sa criminal case at ang kanyang legal assistance kay Bernardo ay isinagawa sa ibang forum.

Mga Bagong Alegasyon

Nitong ikalawang mosyon, iginiit ng depensa na patuloy na tinutulungan nina Atty. Miranda at CMA Law si Bernardo habang nagpapatuloy ang criminal proceedings kahit hindi naman sila pormal na nag-appear bilang mga abogado sa korte.

Itinuro rin ng depensa ang mga pagkakataong nakipag-ugnayan umano ang isang abogado ng CMA Law na si Carl Mucho sa mga prosecutor tungkol sa pagdalo ni Bernardo sa mga hearing at sinamahan umano siya sa ilang pagharap sa korte.

Iginiit pa ng depensa na dahil ang testimonya ni Bernardo ang nagsisilbing nag-iisang direktang ugnayan ng prosekusyon kay Revilla sa kaso, ang patuloy na legal assistance na ibinibigay umano ni Atty. Miranda kay Bernardo ay maaaring lumikha ng impresyon na may interes ang kapatid ng mahistrado na mapanatili ang kredibilidad ni Bernardo at ang kanyang katayuan bilang state witness.

“Kung wala ang testimonya ni Usec. Bernardo, walang kaso,” ayon sa mosyon, na naglalarawan sa testigo hindi bilang isang peripheral figure kundi bilang pundasyon mismo ng kaso ng prosekusyon.

Dissenting Opinion ni Miranda

Binanggit din ni Revilla ang Dissenting Opinion ni Justice Miranda sa July 31, 2026 ruling ng Third Division ng Sandiganbayan sa kanyang aplikasyon para sa piyansa, na pinagbigyan matapos makita ng mayorya ng hukuman na hindi napatunayan ng prosekusyon ang matibay na ebidensiya ng pagkakasala.

Ayon sa mosyon, malaking bahagi ng dissent ni Miranda ay nakasalalay sa testimonya ni Bernardo, na anila’y tila tinanggap bilang ganap na katotohanan sa kabila ng umano’y kawalan ng independent corroborating evidence.

Inilahad ng mosyon ang ilang natuklasan sa bail proceedings na, ayon sa depensa, nagpapahina sa mahahalagang alegasyon laban kay Revilla, kabilang ang testimonya na walang documentary evidence na nagpapakitang humiling siya ng pondo para sa kwestyonableng proyekto, na ilang testigo ay walang personal na kaalaman sa umano’y paghahatid ng pera, at na wala ring nakitang ebidensiya ang korte na nag-uugnay kay Revilla sa umano’y sabwatan.

“Bagama’t si Usec. Bernardo ay isang prosecution witness lamang at, sa teknikal na paraan, ay hindi partido sa kasong ito, makikinabang pa rin ang kliyente ni Atty. Miranda kung mapagtitibay ang kredibilidad ni Usec. Bernardo at mapapanatili ang kanyang katayuan bilang state witness,” ayon sa mosyon.

Para kay Revilla, idinagdag ng depensa, ito mismo umano ang nakamit sa pamamagitan ng Dissenting Opinion ni Justice Miranda.

Binanggit Pangyayari sa Court Room

Binalikan din sa mosyon ang isang insidente bago ang arraignment ni Revilla noong Pebrero 2026, nang lapitan umano ni Miranda ang akusado sa courtroom at ipinaalam ang posibleng benepisyo ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Iginiit ni Revilla na nag-iwan sa kanya ang pag-uusap ng hindi magandang impresyon na tila maaga nang ipinagpalagay ni Miranda, bago pa man magsimula ang paglilitis, na siya ay tuluyang makukulong.

Mahalaga Impresyon ng Pagiging Patas

Kinikilala ng depensa na ang bawat pangyayaring binanggit sa mosyon, kung titingnan nang hiwa-hiwalay, ay maaaring hindi sapat upang tiyak na mapatunayan ang pagkiling.

Gayunman, iginiit nitong ang pinagsamang epekto ng mga naturang pangyayari ay lumilikha ng makatwirang impresyon na dapat kusang mag-inhibit si Miranda upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa pagiging patas at walang kinikilingan ng hukuman.

Ipinanawagan ng depensa ang matagal nang prinsipyo ng Korte Suprema na ang mga hukom ay dapat manatiling “wholly free, disinterested, impartial and independent” sa mga kasong kanilang dinidinig.

128

Related posts

Leave a Comment