TARGET ni KA REX CAYANONG
HINDI lamang sa pangako nasusukat ang isang lingkod-bayan, kundi sa mga programang naipatutupad at pagbabagong nararamdaman ng mamamayan.
Sa Occidental Mindoro, kapansin-pansin ang mga inisyatibong isinusulong ni Cong. Odie Tarriela para sa edukasyon at kabuhayan.
Isa sa mga ito ang Cash-for-Work program na nakinabang ang 2,781 indibidwal mula sa Mamburao, Abra de Ilog, Paluan, Sta. Cruz at Sablayan o MAPSSA. Karamihan sa mga benepisyaryo ay mga katutubong Mangyan.
Mahalaga ring kilalanin ang pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD at mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng programa.
Patunay ito na mas nagiging posible ang paghahatid ng serbisyo kapag nagtutulungan ang mga kinauukulan.
Higit na mahalaga ang pag-abot sa mga katutubong Mangyan, na kabilang sa mga sektor na nangangailangan ng sapat na oportunidad at suporta. Dapat silang magkaroon ng patas na pagkakataong kumita, makilahok sa mga programa ng pamahalaan at mapabuti ang kanilang kalagayan.
Samantala, isa pang mahalagang hakbang ang pagpapatayo at pagsasalin ng tatlong bagong gusali sa Occidental Mindoro State University o OMSU.
Kabilang sa mga bagong pasilidad ang Research, Development, and Extension Building na nagkakahalaga ng P15 milyon.
Mayroon ding Laboratory Building with Classrooms na nagkakahalaga ng P15 milyon.
Aba’y sa pamamagitan nito, inaasahang madaragdagan ang espasyo para sa pag-aaral at mga gawaing nangangailangan ng laboratoryo, depende sa mga programang iniaalok ng pamantasan.
Ang ikatlong pasilidad ay ang Student Dormitory na nagkakahalaga ng P30 milyon. Maaari itong makatulong sa mga estudyanteng nagmumula sa malalayong bayan at nangangailangan ng mas madaling matutuluyan habang nag-aaral.
Sa kabuuan, P60 milyon ang halaga ng tatlong gusali.
Ayon sa impormasyon, napondohan ang mga ito noong 2024, sinimulan ang konstruksyon noong 2025 at naiturn-over sa pamantasan ngayong 2026.
Sa pag-unlad ng OMSU bilang isang ganap na unibersidad, lalong nagiging mahalaga ang pagdaragdag ng mga pasilidad na tutugon sa lumalawak nitong tungkulin. Dapat tiyaking ang mga gusali ay mapakikinabangan nang husto at mapananatili sa maayos na kondisyon.
Hindi rin dapat kalimutan ang papel ng pamunuan ng OMSU sa pangunguna ni SUC President Dr. Elbert Edaniol, gayundin ang mga guro, estudyante at iba pang katuwang sa komunidad.
Ang pakikiisa ng mga lokal na opisyal, kabilang si San Jose Vice Mayor Sonny Javier, mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga kinatawan ng mga bayan sa SAMARICA at MAPSSA, ay nagpapakita rin ng kahalagahan ng sama-samang pagkilos para sa kapakanan ng lalawigan.
Sa dalawang inisyatibong ito, makikita ang magkaibang pangangailangan na dapat sabay na tugunan: agarang suporta sa mga pamilyang nangangailangan at pangmatagalang pamumuhunan sa edukasyon.
Parehong mahalaga ang pagtulong sa kasalukuyan at paghahanda sa kinabukasan.
74 