NANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT
KAMING mga kalalakihan kapag nanliligaw pa lamang kami ay tinitiyak namin na mauuna kami sa lugar kung saan kami magkikita ng nililigawan namin para sa aming date para magpa-impress dahil nanliligaw ka pa lamang.
Ganyan din dapat ang asal ng mga kandidato dahil nanliligaw pa lamang sila para sila ay iboto sa Mayo pero napapansin ko, hindi ‘yan nangyayari. Madalas ay pinaghihintay nila ang mga tao na kanilang nililigawan pa lamang.
Noong napanood ko ‘yung video ng mga tao na hinakot daw sa administration candidate rally sa Carmen, Davao del Norte na gustong umalis sa rally site dahil nahihilo na sila sa gutom at walang mainom na tubig pero ayaw paalisin ng mga security, ay hindi mo maiiwasang malungkot at magalit.
Bakit ang mga nililigawan ang paghihintayin? Hindi ba dapat nandun na sa rally site ang mga kandidato bago dumating ang mga taong ‘hinakot’ nila para pakinggan ang kanilang mga pambobola sa ayaw at sa gusto nila?
Noon pa man ay ganyan ang ginagawa ng mga kandidato at wala pa ring pagbabago kaya paano mo pagkakatiwalaan ang ganitong mga manliligaw na nanliligaw pa lamang ay nagpapaka-importante na.
Kung literal na ligawan ito, malamang sa malamang na hindi sasagutin ng babae ‘yung nanliligaw sa kanya na lalaki sa dahil ugali ng kanyang manliligaw. Hindi na nahiya ang mga kandidatong ito!!!
Wala pa akong nadaluhang rally na hindi hinakot ang audience, kaya sa rally site ay sangkatutak ang mga bus na nakaparada sa labas ng rally site na indikasyon na hinakot lang ang mga tao.
Hindi naman kusang pumunta ang mga tao sa rally site lalo na kung mula sa ibang bayan dahil mahal ang pamasahe at matindi ang pagod. Sinong ogag ang gagastos para pakinggan ang pambobola ng mga kandidato ng administrasyon?
May budget ‘yan na pambayad ng mga tao na hahakutin, pagkain nila at pambayad sa mga sasakyan na magdadala sa kanila sa rally site. Malaki-laking budget ‘yan kaya huwag n’yong sabihin sa amin na kusang loob na pumunta ang mga tao.
Pero hindi porke ginagastusan niyo ang mga taong pinipilit niyong makinig sa inyong pambobola, may karapatan na ang mga kandidato na paghintayin ang mga tao. Hindi porke binayaran n’yo sila eh may karapatan na kayong gutumin at uhawin sila!
Wala ring karapatan ang mga organizer na hindi payagan ang mga tao na lumabas para bumili ng pagkain at maiinom pero ang madalas na nangyayari, bawal nang lumabas kapag parating na ang Pangulo.
Parang pinipilit niyo ang mga tao na makinig sa inyo sa ayaw at sa gusto nila, kaya puwede ba baguhin niyo na ang istilo niyo? Igalang nyo ang nililigawan n’yo kung gusto n’yong sagutin nila kayo ng “OO”.
