LAGUNA – Arestado ang isang high value individual drug personality matapos nitong i-claim ang isang package na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng marijuana mula sa isang courier services sa Brgy. Langgam, San Pedro City noong Biyernes ng hapon.
Huli sa akto ang suspek na si Kim Vladimir Que, habang kinukuha nito sa Flash Home Courier sa Barangay Langgam, ang isang kahon na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang may timbang na 5.5 kilos at may DDB value na P660,000.
Hindi nito alam na may nag-aabang na sa kanyang mga awtoridad matapos na ipagbigay-alam ng mga tauhan ng courier services ang kaduda-dudang parcel, sa tanggapan ng San Pedro City police station.
Agad nagkasa ng entrapment operation ang Intel Operatives ng San Pedro City police at naaresto ang suspek.
(NILOU DEL CARMEN)
