MULING pinabulaanan ng Malakanyang na isasailalim sa lockdown ang Metro Manila (MM) na may 12 milyong populasyon sa panahon ng Pasko at Bagong Taon para mapigil ang pagkalat ng novel coronavirus.
Gayunman, maglalatag ng checkpoints ang Philippine National Police sa ilang mga lugar.
Para kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mga walang hiya lamang na gustong sirain ang Pasko kaya nagpapakalat ng pekeng balitang ganito.
“Fake news din na magkaka-lockdown mula Dec. 23 hanggang Jan. 3, 2021. Ito po ay mga walang hiya na gusto lang siraan ang ating Pasko,” diing pahayag ni Sec. Roque.
Iaanunsyo naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang January quarantine classifications sa huling linggo ng Disyembre.
Nauna rito, kumalat sa social media na balik-MECQ ang Metro Manila mula Disyembre 21 hanggang Enero 6.
Kaagad namang sinabi ni Department of Interior and Local Government chief Eduardo Año na “fake news” ang mga naglalabasang balita ukol sa pagbabalik ng Metro Manila sa mas mahigpit na quarantine protocol.
“Fake news ‘yan,” tugon ni Interior Secretary Año nang kumpirmahin ang ulat.
Kaugnay nito, naglatag na ng mga checkpoint ang PNP sa ilang lugar sa Quezon City at Taguig na bahagi ng pagpapatupad ng seguridad ngayong Kapaskuhan.
Nagpahayag naman ng pag-aalala si Año ukol sa maagang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa holiday season. (CHRISTIAN DALE)
