ILANG OSPITAL SA MAYNILA, ‘OVERWHELMED’ SA KASO NG LEPTOSPIROSIS

NASA full capacity o umabot na sa 300% ang kapasidad ng emergency room ng mga ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng leptospirosis.

Pinaalalahanan naman ng mga ospital ang mga pasyenteng nangangailangan ng emergency care na magpasensya dahil sa dagsa ng mga pasyente.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, kahit gaano kalaki ang emergency room ng Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital, “overwhelmed” na ang mga ito sa dami ng pasyenteng nangangailangan ng atensiyong medikal.

Patuloy namang hinihikayat ng alkalde ang publiko na agad magpakonsulta sakaling makaranas ng sintomas ng leptospirosis, lalo na ang mga lumusong sa baha, upang maagapan ang nakamamatay na sakit.

Sinisiguro rin ng mga doktor na mabibigyan ng tamang atensiyon ang mga pasyente at, kung kinakailangan, maililipat sa pinakamalapit na ospital na mayroon pang kapasidad na tumanggap ng pasyente.

Inatasan naman ni Mayor Moreno ang mga tauhan ng mga health center sa lungsod na magsagawa ng door-to-door campaign laban sa leptospirosis.

Layunin nitong malaman ang kalagayan ng mga residente, matukoy ang mga posibleng tinamaan ng sakit at agad na mabigyan ng kinakailangang atensiyong medikal.

(JOCELYN DOMENDEN)

53

Related posts

Leave a Comment