PBBM, BUKAS SA MAS MABIGAT NA PARUSA PARA SA LOOSE FIREARMS

BUKAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa illegal possession ng loose firearms kasunod ng mga fatal shooting incident sa loob ng mga paaralan na sangkot ang mga menor de edad.

Inilarawan naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro bilang “good” ang pagsusulong ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na gawing non-bailable offense ang ilegal na pagmamay-ari ng loose firearms at magpataw ng hanggang 20 taong pagkakakulong.

“Ito ay naging magandang suggestion ni Secretary Jonvic Remulla. Ito naman din po ay para sa mas protektadong bansa at mas protektadong mga kababayan natin,” ani Castro.

Sinabi rin ni Castro na hindi kokontrahin ni Pangulong Marcos ang hakbang na naglalayong higit na maprotektahan ang publiko.

Gayunman, kailangan munang maingat na suriin ng Pangulo ang panukalang batas at ang mga specific provisions nito bago siya makapagbigay ng pinal na posisyon.

“So, kung ano po talaga ang maaaring maging magandang batas, para ito po ay mas mabigyan ng malaking parusa, ang Pangulo po ay open,” ani Castro.

“But we have to wait for the versions of the bills so that the President could make his stance on such issue. So, ngayon wala pa po,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Castro na maaaring maiwasan ang mga nakamamatay na shooting incident kung magiging responsable ang mga gun owner sa pangangalaga ng kanilang mga armas, bagama’t hiwalay umanong usapin ang illegal possession ng loose firearms.

Sinabi ni Castro na gagawa si Pangulong Marcos ng pinal na desisyon kapag naipasa na ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong magpataw ng mas mabigat na parusa sa possession ng loose firearms.

“Sa totoo lang kung ang tao naman ay maingat talaga na humawak ng kanyang mga baril, hindi maaaring magkaroon ng negligence na nasasapit sa ganitong mga klaseng pagkakataon o sitwasyon,” ani Castro.

“Muli, kung anuman ang ikagaganda ng ating bansa at sa interes ng ating mga kababayan, hindi po iyan hahadlangan ng ating Pangulo,” dagdag niya.

Nauna rito, hinikayat ni Remulla ang Kongreso na amyendahan ang Republic Act No. 11766 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act upang gawing non-bailable offense ang ilegal na pagmamay-ari ng loose firearms at magpataw ng hanggang 20 taong pagkakakulong.

(CHRISTIAN DALE)

44

Related posts

Leave a Comment