LACHICA HINDI EMPLEYADO NG OVP — TESTIGO

KINUMPIRMA ni OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio na hindi empleyado ng Office of the Vice President (OVP) si Philippine Army Colonel Raymund Dante Lachica, na nakatalaga bilang head of security detail ni Vice President Sara Duterte.

Sa ika-19 na araw ng paglilitis, tinanong ni Senator-Judge Tito Sotto si Ortonio, na isang hostile witness, upang linawin ang pormal na relasyon ni Lachica sa tanggapan ni Vice President Duterte.

Ayon kay Ortonio, si Col. Lachica ay group commander ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) na itinalaga ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa testimonya ng dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta, inamin nitong si Lachica ang humawak sa P500 milyong confidential funds ng OVP alinsunod umano sa naging kautusan ni Vice President Duterte.

Inamin din ni Acosta na ibinigay niya kay Lachica ang na-withdraw na confidential funds kahit labag umano ito sa Joint Circular na nag-aatas na ang pondo ay dapat hawak ng SDO.

Samantala, sinabi ng House Prosecution team na dahil malinaw na hindi empleyado ng OVP si Lachica, mas malalim na command responsibility ang dapat umanong tingnan sa usapin.

Ayon kay House spokesperson at adviser Robert Ace Barbers, dahil napatunayang hindi konektado sa OVP si Lachica, mas lumalim ang mga seryosong katanungan hinggil sa naging sistema ng paggamit ng confidential funds.

“Hindi siya bonded, hindi siya special disbursing officer, at wala siya dapat kinalaman sa paggamit nitong pondo,” giit ni Barbers.

“Hindi ka naman pala organic, hindi ka kasama doon sa organization where the disbursement of these confidential funds is placed, pero mailalagay sa kamay mo ang pera kahit hindi ka disbursing officer at hindi ka rin bonded officer,” dagdag niya.

Ayon naman kay Deputy Speaker at Zambales Rep. Jefferson Khonghun, inilantad ng mga testimonya ang kapintasan sa paraan ng pagtatalaga ng mga responsibilidad.

“Doon natin makikita na mayroon talagang pagkakamali sa proseso, lalong-lalo na sa pagtatalaga kung sino iyong may responsibility na mag-disburse,” paliwanag ni Khonghun.

Para kay Khonghun, hindi dapat matapos ang imbestigasyon sa taong pisikal na tumanggap o namahagi ng pera kundi dapat ding siyasatin ang command responsibility.

Si Ortonio ay hostile witness kaugnay ng Article I ng impeachment complaint laban kay Vice President Duterte na nag-aakusa sa kanya ng maling paggamit at malversation sa confidential funds.

Lachica Handang Humarap

Samantala, inihayag ni Philippine Army Colonel Raymund Dante Lachica ang kahandaang humarap at tumestigo sa impeachment trial sa Senado kaugnay ng kontrobersiyal na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) na nagsasangkot sa kanyang pangalan.

Sa isang pahayag na ibinahagi sa media, sinabi ni Lachica na hindi niya kailanman tinanggihan ang pagharap sa paglilitis at handa siyang sabihin ang katotohanan sakaling legal siyang ipatawag.

“I have never refused to appear or testify; if lawfully called, I am prepared to tell the truth, subject to applicable laws and security restrictions,” pahayag ni Lachica.

Samantala, kinumpirma ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro na natapos na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang imbestigasyon kina Colonel Raymund Dante Lachica at Colonel Dennis Nolasco, na kapwa nasasangkot sa umano’y maling paggamit ng kabuuang P612.5 milyong confidential funds ng Vice President at Department of Education (DepEd).

Inihayag ito ni Teodoro sa budget hearing ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2027 budget ng Department of National Defense.

Ayon kay Teodoro, naisumite na ng AFP Fact-Finding Committee sa Office of the Ombudsman ang resolusyon hinggil sa imbestigasyon kina Lachica at Nolasco.

Kapwa tinukoy sina Lachica at Nolasco sa impeachment trial bilang mga opisyal na namahala sa confidential funds ng OVP at DepEd.

Kinumpirma rin ni Teodoro na nananatili pa rin sa serbisyo sina Lachica at Nolasco.

Una rito, inihayag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na attached and unassigned si Lachica sa Army Headquarters.

(TINA MENDOZA/JESSE RUIZ)

57

Related posts

Leave a Comment