LANTARAN pa rin ang pamamayagpag ng mga Electronic Sabong (e-Sabong) sa iba’t ibang lugar kahit nasa gitna pa rin ng pandemic ng COVID-19 ang buong bansa.
Nitong nakaraan, 250 katao ang nahuli ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Central Office sa isang illegal online sabong sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Kasama sa nahuli ay ang hindi pinangalanang operator, empleyado at mga mananaya.
Batay sa pahayag ni Atty. Emeterio Dongallo, Jr., pinuno ng NBI Special Project Team, noong nakaraang Lunes ng hapon ay sinalakay nila ang Mavin’s Events Center sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Bago sinalakay ng NBI ang ilegal na pasugalan na ito ay nakatanggap sila ng reklamo mula sa isang lehitimong operator, na may nag-o-operate ng e-sabong sa nasabing lugar.
Nakuha sa lugar ng pasugalan ang libu-libong pera na ginamit sa pagtaya, mga gamit sa operasyon tulad ng camera at computer para sa live streaming ng e-sabong at mga manok na panabong.
Halos wala raw kaibahan ang ilegal na e-sabong sa legal.
Mayroon silang pasabong na inila-live stream nila at ang mananaya ay pupusta sa pamamagitan ng online.
Ang problema nito ay hindi sila nagbabayad ng franchise.
Kaya ilegal sila, ibig sabihin ay walang pumapasok sa kaban ng bayan na pera mula sa sugalan na ito kundi sa mga bulsa lamang napupunta ng iilang katao na nasa likod nito.
Isang nagpakilalang “MJ” ang lumutang matapos ang operasyon na sinasabi niyang kumpleto raw sa mga dokumento ang operasyon ng pasugalan.
Pero nang hingan ito ng mga awtoridad ng mga dokumento ay wala siyang naipakita. Isama siya sa ikulong!
Kung talagang gustong managot ng mga awtoridad ang nasa likod ng ilegal na pasugalan na ito ay ilantad nila ang mga pangalan na nagpapatakbo nito.
Kasuhan din siya batay sa PD 1602 (illegal gambling) na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act.
Na-PUNA ng ating mga tagasubaybay na ang kinaroroonan ng ilegal na e-sabong ay malaking gusali na parang coliseum, hindi raw ba ito napansin ng Brgy. Chairman sa lugar at Mayor ng San Leonardo?
Sa dami raw ng mga tao na pumapasok dito, imposibleng hindi nila alam ito.
May punto po ang ating mga tagasubaybay sa kanilang sinasabi.
Kailangan po magpaliwanag si San Leonardo Mayor Froilan Nagano at ang barangay chairman sa lugar kung saan natuklasan ang ilegal e-sabong.
At sana po ay makasuhan ang mga nasa likod nito, maging politiko man sila o sibilyan.
Nakasisiguro po tayo na nagkaroon ng hawaan ng COVID-19 sa sabungan na ito.
Malamang matagal na nila itong ginagawa at ngayon lang natuklasan ng NBI.
Ang daming nawalan ng trabaho at walang pinagkakakitaan tapos kayo ang ginagawa n’yo ay pagsusugal lamang.
Ang titigas ng mga ulo ninyo, gagawa at gagawa talaga kayo ng paraan kung paano kayo makalusot!
Tapos magrereklamo kayo na hindi kayo nakatatanggap ng ayuda mula sa gobyerno ngayong panahon ng pandemic.
Kaya maraming naghihirap sa ating mga kababayan, nagkaroon lang ng maliit na pera ay gagamitin na agad sa kanilang bisyo na tulad ng sugal.
Esep-esep din pag may time.
Hindi lang pagkatalo sa sugal ang mangyayari sa inyo, kundi magdadala pa kayo ng COVID-19 sa inyong mga pamilya.
Ay naku! Mga pasaway!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o kaya mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
227 