‘INTERIM’ SENATE SETUP NI ALAN IBINASURA NG MALACAÑANG

IBINASURA ng Malacañang ang panukala ni dating Senate President Alan Peter Cayetano na magkaroon ng interim leadership arrangement sa Senado.

Sa press briefing sa Malacañang, muling iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na si acting Senate President Sherwin Gatchalian lamang ang kinikilala ng Executive branch bilang lehitimong lider ng Senado.

Ayon kay Castro, wala umanong maidudulot na mabuti ang naturang arrangement sa kasalukuyang sitwasyon.

Sa ulat, itinutulak ng kampo ni Cayetano ang posibilidad ng interim administrative arrangements sa bagong Senate majority group na pinamumunuan ni Gatchalian.

Kabilang sa mga mungkahi ang pagbuo ng “dual-signatory” o joint certification mechanism para sa vouchers, tseke, disbursements, kontrata, personnel actions at iba pang dokumentong kailangan para sa operasyon ng Senado at ng Impeachment Court.

Matatandaang nahalal si Gatchalian bilang bagong Senate President Pro Tempore na magsisilbi ring acting Senate President.

Nagbago ang liderato ng Senado matapos magkaroon ng quorum kasunod ng paglipat ni Senator Francis “Chiz” Escudero sa Solid Bloc 11, dahilan upang maging 12 ang dating minority bloc habang 11 na lamang ang grupo ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Kailangan pa ng kampo ni Gatchalian ng isa pang senador upang umabot sa 13 ang kanilang bilang at tuluyang maging lehitimong Senate President.

Hindi naman kinilala ni Cayetano ang naging pagpapalit ng liderato.

Samantala, sinabi ni Castro na maaaring maulit ang mga kontrobersiyang dulot ng mga political agreement na hindi natutupad.

“Baka mangyari na naman ang nangyari dati sa House of Representatives, kung saan mayroon na silang term-sharing agreement na hindi tinupad agad ni Senator Alan Cayetano,” ani Castro.

Tinukoy niya ang nabigong term-sharing agreement noon sa Speakership ng Kamara sa pagitan nina Cayetano at dating Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Samantala, muling iginiit ng Malacañang na ang pagkakahalal kay Gatchalian bilang acting Senate President ay naaayon sa umiiral na jurisprudence, kabilang ang Avelino-Cuenco doctrine at mga naunang precedent na ginamit ng Senado.

(CHRISTIAN DALE)

94

Related posts

Leave a Comment