Inton sa impeachment kay VP Sara NUMBERS GAME SA KAMARA AT SENADO

UMIINIT ang usapin sa posibleng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte habang nagpapatuloy ang pagdinig sa House Committee on Justice ng House of Representatives.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, kinakailangan ang boto ng hindi bababa sa one-third ng kabuuang miyembro ng Kamara upang maaprubahan ang resolusyon na naglalaman ng articles of impeachment o upang i-override ang anomang taliwas na rekomendasyon ng komite, alinsunod sa Article XI, Section 3(3) ng Konstitusyon.

Kapag nakamit ang nasabing bilang, ipapasa ang articles of impeachment sa Senado na magsisilbing impeachment court.

Nilinaw ni Inton na hindi awtomatikong nangangahulugan ng “guilty” ang pag-apruba ng Kamara, dahil ang Senado ang may “sole power to try and decide all cases of impeachment.”

Dagdag pa niya, may papel pa rin ang Kamara matapos maipasa ang kaso, kabilang ang pagpili ng mga magsisilbing prosecutor sa paglilitis. Isa sa mga nabanggit na maaaring gumanap ng papel ay si Batangas Representative Gerville Luistro.

Sa Senado naman, kinakailangan ang boto ng dalawang-katlo ng lahat ng miyembro upang mahatulan ang isang opisyal, alinsunod sa Article XI, Section 3(6) ng Konstitusyon.

Kung mapatunayang nagkasala, ang parusa ay limitado lamang sa pagtanggal sa puwesto at diskwalipikasyon na humawak ng anomang posisyon sa gobyerno, ayon sa Section 3(7).

Ayon kay Inton, mahalagang bahagi ang bilang ng boto sa impeachment process, ngunit hindi rin maiiwasan ang impluwensya ng pulitika sa magiging desisyon ng mga mambabatas.

(JULIET PACOT)

70

Related posts

Leave a Comment