INAPRUBAHAN ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang rekomendasyon ng Commission on Higher Education (CHEd) na bawiin ang medical insurance requirement para sa college students.
“Dahil na rin sa rekomendasyon ng Commission on Higher Education, Seksyon IV, item “H” ng CHED-DoH Joint Memorandum Circular NO. 2021-004, pertaining to the medical insurance for students is hereby repealed,” ayon kay Acting Deputy Presidential Spokesperson Kris Ablan.
Nito lamang Abril ay itinakda ng CHED at Department of Health (DoH) sa isang joint resolution na kailangang maging miyembro ng PhilHealth ang mga college student bago makalahok sa face-to-face classes.
Ayon kay PhilHealth Vice President for Corporate Affairs Dr. Shirley Domingo, kailangan munang magparehistro ng mga college student sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) o sa kahit anong private health insurance.
Ani Domingo, ang requirement ay nagmula sa Commission on Higher Education (CHED) at Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Joint Memorandum Circular No. 2021-001.
Wala pa aniyang eksaktong bilang ng college students na nagparehistro sa PhilHealth, pero patuloy na nakatatanggap ang ahensya ng applications mula sa regional offices nito at iba pang eskwelahan.
Sa ilalim ng national health insurance program, ang mga indibidwal na “under 21 years old” ay dependents pa ng primary members, gaya ng kanilang mga magulang.
Ang mga estudyanteng under 21 years old na rehistrado sa pamamagitan ng kanilang parents ay kailangan lang ipakita ang PhilHealth Member Data Record (MDR) sa kanilang school, ayon kay Domingo. (CHRISTIAN DALE)
