JEEPNEY TRANSPORT GROUP UMANGAL SA LIIT NG KITA; SINISI MOTORCYCLE TAXI

MARIING inalmahan ng grupo ng jeepney transport ang maliit na kita sa kanilang pamamasada dahil sa pagdagsa ng mga motorcycle taxi hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsya na nagiging kakumpitensya ng kanilang sektor.

Hinayag ni Lando Marquez, presidente ng Liga ng Transportasyon ng Pilipinas (LTP), umaabot na sa 30 hanggang 40 porsyento ang nawawalang sa kanilang kita dahil matinding kompitensya mula naglipanang mga motorcycle taxi na madalas umaagaw ng kanilang mga pasahero.

Sa ginanap na QC Journalist Forum, sinabi ni Marquez na halos wala ng mauwing kita ang mga jeepney driver sa kanilang mga pamilya dahil dito.

“Hinihiling namin sa LTFRB na ma-regulate ang mga motorcycle taxi dahil hindi lamang sa Metro Manila sila ngayon bumibiyahe kundi pati sa mga probinsya,” ayon sa lider ng LTP.

Kaugnay nito binatikos din ni Marquez ang pagkakaroon ng 14,000 unit ng modern jeep sa Metro MANILA na nagreresulta sa halos pagkawala na ang mga tradisyonal na jeep na Itinuturing ng maraming Pilipino bilang pambansang sasakyan.

Samantala, kaugnay nito, naging opinyon naman ni Angkas president George Royeca na ang industriya ng motorsiklo ay nasa yugtong masasabing ‘pagsikat ng araw’ dahil sa pagdami ng mga Pilipinong nagiging self-employed sa pamamagitan ng ride-hailing service o motorcycle taxi.

Nabatid mula kay Royeca na ang transportasyon at mobility ay isang pambansang problema na dapat bigyang pansin dahil ito ang pangunahing dahilan kung bakit ang malaking bilang ng mga pasahero at gayundin ang mga rider ang nakikibahagi sa ride-hailing service.

Ayon pa sa lider ng Angkas, tinitiyak nila na ligtas ang kanilang pasahero dahil ang isang rider ay nakakatanggap ng libreng training sa motorcycling at gayundin sa mga road courtesy bago sila mapayagang maging service sa kanilang mga pasahero.

“Kaya nga sa Angkas, ay 99 percent ang safety records natin, meaning mayroon lang .003 accident rate ang aming mahigit 70,000 mga rider,” pagtatapos ni Royeca. (PAOLO SANTOS)

29

Related posts

Leave a Comment