JOB FAIR, IBA PANG SERBISYO INILUNSAD SA PASAY

PASAY CITY — Dinagsa ng mga residente mula sa Pasay at karatig-lugar ang job fair at iba pang programa at serbisyong inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Pasay bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Cuneta Astrodome nitong Lunes.

Pinangunahan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang aktibidad, kung saan 15 kumpanya ang lumahok sa job fair na nag-aalok ng kabuuang 4,660 trabaho para sa mga naghahanap ng mapapasukan.

Layunin ng aktibidad na maghatid ng direktang serbisyo at tulong sa publiko, kabilang ang mga programang nag-aalok ng abot-kayang pangunahing bilihin para sa mga mamamayan ng Pasay at mga karatig-lugar.

Kabilang sa mga serbisyo ang pagbebenta ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo, kasama ang iba pang murang bilihin, at pamamahagi ng libreng bigas sa 500 napiling benepisyaryo mula sa programa ni Marcos.

May payout din para sa libu-libong benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Naglaan din ng serbisyong pangkalusugan ang Department of Health (DOH) at PhilHealth, kabilang ang libreng medical consultation, risk assessment at flu vaccination, gayundin ang pamamahagi ng wheelchairs at iba pang kagamitang medikal.

Nagkakaloob din ng libreng legal assistance ang Department of Justice, Bureau of Immigration at Board of Tax Appeals.

Nagsimula ang programa alas-8 ng umaga at nakatakdang magtapos alas-4 ng hapon.

(DANNY BACOLOD)

68

Related posts

Leave a Comment