PINASIMULAN kahapon ang pagsasanib-pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) sa pamamagitan ng isang joint exercise na magsasanay sa hanay ng ‘men in uniforms’, sa pagtugon sa mga emergency o kalamidad gaya ng isang malakas na lindol o “The Big One” sa Maynila.
Ang nasabing pagsasanay na tatawagin na Inter-Agency Exercise (IAX) Sanlakas 02-2026, ay sinimulan nitong Miyerkoles, Setyembre 30.
Susubukin sa aktibidad ang mga mekanismo ng pagtugon, koordinasyon ng command, mga operasyon sa paghahanap at pagsagip, mga hakbang sa seguridad, at mga pamamaraan sa agarang pagpapadala ng mga tauhan at kagamitan.
Una rito, nagpulong ang AFP at PNP kasama ang PCG para sa 6th National Joint Peace and Security Coordinating Center (JPSCC) Meeting sa Malate, Maynila, upang lalo pang patatagin ang ugnayan ng mga ahensya at pagtibayin ang kapayapaan, seguridad, at posture sa depensa ng bansa.
Pinamunuan ang pagpupulong nina AFP Chief of Staff General Antonio G. Nafarrete, PNP chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez, at PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Galvan.
Ayon kay Nartatez, sa pamamagitan ng nasabing aktibidad ay mati-testing ang kanilang sistema, mapalalakas ang inter-agency coordination at matitiyak na makareresponde nang walang delay ang PNP kapag mangyari ang “The Big One”.
“This is also why joint training and exercises matter. When our people train together, they learn how the other organizations operate. Now that we have identified the work that needs to be done, we have to make sure that our people know how to work together and are ready to act when the situation requires it,” pahayag naman ni General Nafarrete.
(JESSE RUIZ)
105 