KAANIB NG BALONG DRUG GROUP TIMBOG

ARESTADO ang umano’y kaanib ng Balong drug group sa bisa ng arrest warrant na isinilbi ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SmaRT) at nakumpiskahan ng mahigit P689,000 halaga ng ilegal na droga sa parking lot ng Urban Deca Homes sa Vitas, Tondo, Manila noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Joel Banzil y Montero, 35-anyos, residente ng Unit 709, Urban Deca Homes sa Vitas, Tondo, top 9 drug personality ng Manila Police District-Station 7 at target din ng case operational plan ng MPD-District Intelligence Division- District Police Intelligence Operation Unit.

Base sa ulat ni P/Major Rosalino Ibay Jr., hepe ng MPD- SmaRT, bandang alas-6:00 ng gabi nang maaresto si Banzil sa Building 1 parking lot ng Urban Deca Homes sa Tondo.

Nabatid sa report ng pulisya, inabangan ng mga tauhan ni Major Ibay, sa pamumuno ni P/Major Cicero Pura, ang kanilang target kasama ang pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Intelligence Group.

Habang nakaantabay ang iba pang mga operatiba, dumating ang suspek na sakay ng Yamaha NMAX motorcycle na may temporary plate 1301-1266278.

Inihain ng mga awtoridad sa suspek ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Bibiano Colasito ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 50, sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Nagkataong may dalang nakaplastik na shabu na may katumbas na halagang P689,520, ang suspek na nadiskubre ng mga awtoridad nang kapkapan at rikisahin ang dalang motorsiklo kaya panibagong kasong paglabag sa RA 9165 ang kanyang kahaharapin. (RENE CRISOSTOMO)

322

Related posts

Leave a Comment