HINIKAYAT ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga kabataan na mas ituon ang kanilang oras sa sports at iba pang makabuluhang aktibidad kaysa sa labis na paggamit ng social media at gadgets.
Binigyang-diin ni Go na ang regular na physical activity ay nakatutulong sa paghubog ng disiplina, katatagan at healthy lifestyle ng mga kabataan.
“Mas dapat nating hikayatin ang mga kabataan na lumabas, maglaro, at mag-sports kaysa buong araw na nakatutok sa social media at gadgets. Mas maraming oras sa court, sa field, o sa playground; mas kaunting oras sa screen,” diin ni Go.
Binanggit din ng senador ang ulat ng World Health Organization na mahigit 80 porsyento ng school-going adolescents sa buong mundo ang hindi nakatutugon sa inirerekomendang antas ng physical activity.
Nilinaw naman ni Go na hindi nangangahulugan ang pagsusulong ng physical activities na dapat nang ipagbawal ang teknolohiya o social media.
“Hindi natin layunin na ipagbawal ang teknolohiya. Ang dapat na layunin natin ay tiyaking ginagamit ito nang responsable at naaayon sa edad ng ating mga anak,” ani Go.
Hinimok din niya ang mga magulang at komunidad na ilapit ang kabataan sa sports at iba pang produktibong gawain upang mailayo sila sa karahasan, bisyo at masasamang impluwensya.
“Kaysa ma-hook sa social media, sa sports na lang,” dagdag pa niya.
(DANG SAMSON-GARCIA)
64 