SISIMULAN sa darating na Setyembre 1 ang mas mahigpit na pagpapatupad laban sa mga motorista na gumagamit ng improvised o replica plates nang walang kaukulang awtorisasyon, ayon sa Land Transportation Office (LTO) .
Sa panayam sa media nitong Sabado, nagbabala si LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na hindi kukunsintihin ng ahensya ang paggamit ng mga plakang ginaya sa opisyal na plaka ng LTO.
Kasama rin sa crackdown ang mga manufacturer ng improvised at replica plates na iligal na gumagawa at nagbebenta ng mga ito.
“Starting September 1 po kasi, lahat po ng gumagawa ng improvised plate o ‘yung mga replica plate, ‘yung eksaktong ginagaya po nila ‘yung plaka ng LTO, bawal po iyon,” sabi ni Lacanilao.
Ayon sa LTO chief, huhulihin ang mga motorista na gagamit ng improvised plates nang walang kaukulang dokumento. Kinakailangan aniyang may dalang authorization mula sa LTO ang mga gumagamit ng awtorisadong improvised plate.
Ipinagbabawal din aniya ang pagbili ng mga improvised plate na ibinebenta online at agad itong kukumpiskahin kapag nakitang ginagamit sa mga lansangan.
Ang crackdown ay isinagawa kasunod ng kontrobersiya sa isang Porsche 918 na umano’y gumamit ng pekeng plaka at naugnay sa isang hit-and-run incident sa Antipolo City na ikinasugat ng dalawang babae.
Nagtungo sa LTO headquarters sa Quezon City si aktor-model Derek Ramsay at ang bumili ng sasakyan na si Anthony Violago upang isuko ang supercar.
Batay sa inisyal na natuklasan ng LTO, ibinenta umano ni Ramsay ang sasakyan kay Violago ngunit hindi pa naililipat ang rehistro sa pangalan ng bagong may-ari, kaya nananatiling nakapangalan kay Ramsay ang sasakyan sa rekord ng ahensya.
Nakaharap din si Ramsay sa posibleng suspensyon o pagbawi ng kanyang lisensya sa pagmamaneho habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay Lacanilao, mahalagang masugpo ang paggamit ng mga hindi awtorisadong plaka dahil maaari itong magamit sa mga gawaing kriminal.
(PAOLO SANTOS)
59 