Kahit bumaligtad si Guteza OMBUDSMAN MAY 28 PANG TESTIGO VS ROMUALDEZ

IBINUNYAG ng Office of the Ombudsman na mayroon itong 28 testigong handang magbigay ng impormasyon laban kay dating House of Representatives Speaker Martin Romualdez kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Ayon sa Ombudsman, may direkta at materyal na kaalaman ang mga testigo sa mga transaksyong sinisiyasat kaugnay ng kaso ni Romualdez.

Sinabi ng tanodbayan na mahigit 20 sa mga testigo ang kasalukuyang isinasailalim sa legal na proseso ng Office of the Ombudsman.

Ayon pa sa Ombudsman, ang mga testigong ito ay mga nakaunipormeng personnel na aktibo pa rin sa serbisyo.

Kasunod ito ng napaulat na pagbawi ng dating sundalong si Orly Guteza sa kanyang naunang pahayag na naghatid siya ng mga maleta ng pera sa bahay ni dating House Speaker Romualdez.

Iginiit ng Ombudsman na hindi bago ang recantation sa mga high-profile case at tinawag itong isang “classic pressure tactic.”

Binigyang-diin ng tanodbayan na hindi nakasalalay sa isa o iilang testigo lamang ang buong imbestigasyon at magpapatuloy ang paghahanap sa katotohanan.

Walang Matibay na Ebidensya — Fajardo

Bilang tugon, iginiit ni Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ni Romualdez, na walang forensic o documentary evidence na direktang nag-uugnay sa kanyang kliyente sa mga alegasyon.

Ayon kay Fajardo, nakabatay lamang sa magkakasalungat na pahayag ng mga testigo ang reklamo laban kay Romualdez.

“Hindi namin ma-predict, hindi namin mahulaan kung sino pa ang babaliktad o sino pa ang magsasabi ng katotohanan,” pahayag ni Fajardo sa isang press conference.

Binigyang-diin ng abogado na ilang buwan nang isinasagawa ang imbestigasyon ng Ombudsman ngunit wala pa rin umanong naipapakitang matibay na ebidensya laban sa dating House Speaker.

“Ang kapansin-pansin lang dito is this investigation has been going on for several months. Lumalabas, wala man lang forensic evidence or object or documentary evidence linking the former Speaker,” ani Fajardo.

Una nang naghain ng recantation ang apat sa orihinal na 18 “Maleta Boys.”

Si Guteza, na nagtestigo sa Senado noong Setyembre 2025 hinggil sa umano’y paghahatid ng mga maleta ng pera, ay naghain din ng bagong affidavit noong Agosto 19 upang bawiin ang kanyang mga naunang paratang.

Itinanggi naman ng kampo ni Romualdez ang mga alegasyon ng pagbabayad o pag-impluwensya sa mga testigo.

“It’s a non-case. It should be dismissed kasi wala nang ebidensya maliban sa kuwento, at ang kuwento ay iba-iba; ang kuwento ay nababaliktad,” paliwanag ni Fajardo.

Sinabi ng abogado na nasagot na ni Romualdez ang mga paratang at isusumite nila sa Ombudsman ang mga pinakabagong affidavit para sa pagsusuri.

PBBM ‘No Comment’

Wala namang reaksyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbawi ni Guteza.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang na bahagi ng mga balita ang ginawa ni Guteza at palaging nakatatanggap ang Pangulo ng mga ganitong ulat.

Gayunman, sinabi ni Castro na wala siyang natanggap na reaksyon mula kay Marcos hinggil sa naturang usapin.

Nang tanungin kung maaaring makompromiso ng recantation ni Guteza ang kredibilidad at integridad ng imbestigasyon ng Senado at Ombudsman sa flood control scandal, sinabi ni Castro na ang nais ng Pangulo ay manaig ang batas at katotohanan.

“Ang nais naman po ng Pangulo ay laging ayon sa batas, hindi gawa-gawang ebidensya. Kung totoong mapapatunayan na siya ay gumawa lang ng mga kuwento, hindi naman din ito makakabuti sa pagpo-pursue sa mga tao na dapat managot,” ani Castro.

Binigyang-diin niya na kailangan ng pamahalaan, Ombudsman, Department of Justice (DOJ) at iba pang investigating bodies ang totoong salaysay mula sa mga testigo.

“So, kung sila naman po ay magsasabi ng kuwento, salaysay na walang katotohanan, mas makakasira siya sa paghabol sa mga tao na dapat managot; mas hindi siya magiging epektibo,” dagdag ni Castro.

(TINA MENDOZA/CHRISTIAN DALE)

61

Related posts

Leave a Comment