KALINGA BILL LUSOT NA SA KAMARA

APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang panukalang magtatatag ng permanenteng pambansang framework para sa pagtugon sa fuel-driven inflation, krisis sa enerhiya at mga aberya sa suplay ng mga pangunahing bilihin.

Sa botong 294 pabor, tatlo ang kontra at walang abstention, ipinasa ng Kamara ang House Bill No. 9305 o ang “Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance (KALINGA) Act.”

Pangunahing may-akda ng panukala sina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos, kasama ang 156 iba pang mambabatas bilang co-authors.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng institutionalized whole-of-government emergency response framework na awtomatikong kikilos kapag umabot sa itinakdang threshold ang presyo ng langis, kakulangan sa enerhiya o iba pang krisis pang-ekonomiya.

Maaari ring magdeklara ang Pangulo ng state of national energy emergency kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, mabilis ang pagmahal ng lokal na petrolyo o bumagsak sa kritikal na antas ang oil reserves ng bansa.

Kabilang sa mga benepisyong maaaring ipatupad ang targeted cash assistance, fuel subsidies, transport support, food vouchers, electricity subsidies, tulong sa MSMEs, agricultural at fisheries assistance, emergency financing at strategic fuel reserve mechanisms.

Prayoridad na mabigyan ng ayuda ang mga low-income households, minimum wage earners, displaced workers, public transport operators, delivery riders, magsasaka, mangingisda, MSMEs at OFWs.

Upang maiwasan ang korapsyon, inaatasan ng panukala ang paggamit ng digital beneficiary databases, verified registries at digital payment systems sa pamamahagi ng ayuda.

Itatatag din ang KALINGA National Response Council na pamumunuan ng Executive Secretary, habang sasailalim naman sa congressional oversight at pagsusuri ng Commission on Audit ang lahat ng paggastos sa ilalim ng programa.

(TINA MENDOZA)

87

Related posts

Leave a Comment