KAMPANYA KONTRA POWER THEFT PINAIGTING NG PNP

PINAIGTING ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa pagnanakaw ng kuryente o electricity pilferage sa pakikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ) at Manila Electric Co. (Meralco).

Ayon sa pamunuan ng PNP, makikipag-ugnayan ang kapulisan sa DOJ upang makabuo ng matitibay na kaso laban sa mga sangkot sa pagnanakaw ng kuryente, kabilang ang ilegal na paggalaw o paninira sa mga electric meter at transmission lines.

Inihayag ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez na layunin ng kampanya na matiyak na mapapanagot, makakasuhan at mapaparusahan ang mga sangkot sa power pilferage upang maiwasan ang patuloy na paglaganap ng naturang krimen.

“The certainty of arrest and punishment is also a strong crime prevention measure because it sends a strong message that the rule of law always prevails. This is what we in the PNP are also focusing on matters pertaining to theft and pilferage of electricity,” ani Nartatez.

Aminado ang PNP na mas mababa sa limang porsyento ng mga naarestong sangkot sa pagnanakaw at panghihimasok sa mga pasilidad ng kuryente mula 2022 ang nauuwi sa conviction.

Batay sa datos ng PNP, umabot sa 548 kaso ng paglabag sa Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994 ang naitala mula 2022. Sa bilang na ito, 469 ang naaresto ngunit 21 lamang ang nahatulan.

Lumagda rin ang PNP at Meralco sa isang kasunduan para palakasin ang pagbabahagi ng impormasyon at magkasanib na operasyon laban sa power theft.

Nilinaw ni Nartatez na bahagi ng mandato ng PNP ang pagbibigay-proteksyon sa power distribution system at iba pang kritikal na imprastraktura, at titiyakin nitong maipatutupad ang mga hakbang laban sa power theft hanggang sa mga lungsod at munisipalidad.

(JESSE RUIZ)

70

Related posts

Leave a Comment