NAGBABALA ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa publiko laban sa mga mapanlinlang na text message o “smishing” na gumagamit sa pangalan at pagkakakilanlan ng ahensya upang makakuha ng personal at sensitibong impormasyong pinansyal.
Ayon sa PHLPost, karaniwang nagpapadala ang mga scammer ng text message na may kasamang kahina-hinalang link at nagsasabing may problema umano sa paghahatid ng isang parcel dahil sa hindi kumpletong address o kailangan ng agarang pagbabayad ng “redelivery fee” gamit ang credit o debit card.
Mariing nilinaw ng PHLPost na hindi nagmumula sa ahensya ang mga ganitong mensahe.
Hindi rin hinihingi ng PHLPost sa pamamagitan ng text message ang sensitibong impormasyon gaya ng bank details, card information, password at One-Time Password (OTP).
Pinayuhan ng ahensya ang publiko na huwag i-click ang kahina-hinalang mga link, huwag magbigay ng personal o banking information at huwag magsagawa ng online payment sa mga website na hindi beripikado.
Para sa lehitimong parcel tracking at verification, hinikayat ang publiko na gamitin lamang ang opisyal na website at awtorisadong communication channels ng PHLPost.
Para sa mga katanungan o pag-uulat ng kahina-hinalang mensahe o aktibidad, maaaring makipag-ugnayan sa PHLPost Customer Service sa (02) 8288-7678 o 8288-POST, o mag-email sa phlpostcares@phlpost.gov.ph at PHLPost Inspectorate Department sa isd@phlpost.gov.ph.
Hinikayat ng PHLPost ang publiko na manatiling mapagmatyag at mapanuri sa paggamit ng text messages, social media at iba pang online platforms.
51 